Reintegration at Financial Planning Seminar, Isinagawa para sa mga OFW at Pamilya

 Reintegration at Financial Planning Seminar, Isinagawa para sa mga OFW at Pamilya

San Pablo City (April 27,2026)– Isinagawa ng Public Employment Service Office (PESO) San Pablo, sa pakikipagtulungan ng Provincial PESO, ang  Reintegration and Financial Planning Seminar na dinaluhan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW), ex-OFW, at kanilang mga pamilya.

Ang nasabing seminar ay dalawang araw mula April 27-28, na nilahukan ng humigit kumulang 100 dating mga OFW at mga pamilya nito. 

Ang programa ay pinangunahan nina Laguna Provincial Case Management Officer Jocelyn L. Alvarado at San Pablo City PESO Officer Pedrito D. Bigueras. 

Dumalo sa nasabing seminar ang VP ng Pundasyon Buklod ng Pag-Ibig OFW Gng. Emy Fernandez na kinatawan din ang kanilang pangulo na si Gng. Gemma Agranum. 

Ayon kay Mr. Pedrito Bigueras  ng City PESO, bahagi ito ng kanilang core function na tulungan ang mga manggagawang Pilipino, lalo na ang mga umuwi galing ibang bansa.

"Ang layunin po nito ay maturuan sila kung paano ang tamang pag-iinvest ng kanilang pera na pinaghirapan sa abroad, para hindi ito masayang at mailagay sa tamang negosyo o gamit," pahayag ni Pedrito.

Upang masigurong tuloy-tuloy ang pag-unlad, binigyang-diin na mayroong San Pablo City Migration and Development Council kung saan miyembro ang mga OFW. Nagsasagawa sila ng quarterly meetings upang magbalitaan ng progreso at matulungan pa lalo ang bawat miyembro.

Bukod sa programa para sa mga OFW, ibinahagi din ni San Pablo City PESO Officer Pedrito Bigueras  ang iba pang serbisyo ng tanggapan:

1. Tulay sa Trabaho: Ang PESO ay nagsisilbing bridge o taga-konekta ng mga aplikante sa mga kumpanya. Sinisiguro nilang legit at may kumpletong permits ang mga employer para hindi mabiktima ng illegal recruitment ang mga kababayan.

2. Libreng Training: May mga link sila sa TESDA para sa libreng seminars at skills development. Maaaring i-monitor ang kanilang Facebook page para sa mga schedule.

3. SPES Program: Aktibo rin sila sa Special Program for Employment of Students (SPES) na nagbibigay ng trabaho sa mga estudyante sa loob ng 20 araw, kadalasan ay sa kanilang sariling barangay para makatipid.

4. Assistance sa Repatriates: Binibigyan din ng tulong pinansyal at gabay ang mga OFW na hindi natapos ang kontrata dulot ng giyera o problema sa amo.

Sa tanong tungkol sa estado ng trabaho sa lungsod, sinabi ni Bigueras na marami pa ring available na trabaho na nakapost online. 

Nagbigay din ng payo si Bigueras sa mg aplikante,  "Mag-apply po kayo sa kung ano talaga ang linya niyo at interesado kayo, para ma-enjoy niyo ang trabaho. At tandaan ang 70-30 rule: 70% Character at 30% Skills lang ang tinitingnan ng mga kumpanya. Kasi ang character, mahirap nang baguhin, pero ang kaalaman, pwedeng-pwede pang matutunan at ma-improve."

Sa huli, ipinaalam ni Bigueras na lumipat na ang opisina ng PESO sa Mega Capitol, Barangay San Jose . Humingi sila ng paumanhin kung hindi muna sila matawagan sa telepono dahil hindi pa naitatransfer ang linya, ngunit aktibo silang sumasagot sa kanilang Facebook Page para sa mga katanungan.(Mhadz Marasigan)


Comments