Congressman Loreto S. Amante, namahagi ng toolkit
Namahagi ng starter toolkit o mga pangunahing kagamitang panghanapbuhay si Congressman Loreto S. Amante sa mga tumapos ng pag-aaral sa dressmaking o pananahi ng kasuutang pambabae, na sinamay ng mga trainor ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa ilalim ng isang scholarship program na isinusulong ng tanggapan ng mambabatas na isinagawa sa pangangasiwa ng Alternate Learning System (ALS) na naka-base sa Alaminos Central School. Ang 28 tumapos ay tumanggap ng sewing machine and essential sewing tools. Sam antala ang 17 tumapos ng pagsasanay sa Shielded Metal Arc Welding na isinagawa sa Livelihood Planners Specialists Center, Inc. dito sa Lungsod ng San Pablo ay tumanggap ng portable welding machine.
Ang pamamahagi ay isinagawa noong nakaraang Martes ng hapon, Hulyo 9, 2024 sa San Pablo City Central School Stadium, na sinaksihan nina Mr. Joeffry Lindo ng TESDA Laguna Provincial Office; Ms. Concepcion Obcena ng TESDA Provincial Training Center; Ms. Alma Amante ng Livelihood Planners Specialist Center, Inc.; Mobile Teacher Jerrymie B. Solmerano ng ALS-Alaminos; PESO Manager Pedrito D. Bigueras ng San Pablo City; at Vice President Benjamin “Benbong” Felismino ng Liga ng mga Barangay-San Pablo City.
Sang-ayon kay Mobile Teacher Jerrymie B. Solmerano, bagamat ang mga tumapos sa ilalim ng pagsasanay na magkatuwang na itinataguyod ng TESDA at ng Alternative Learning System ng DepEd ay madaling mapasok ng gawain, ang kanilang mga mag-aaral ay hinihimok nilang magsarili o pumasok sa informal sector ng mga manggagawa sapagkat higit na malaki ang kita kung sila ay magsasarili, na nakakatulong pa sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng pamayanan. (Ruben E. Taningco/Photo: Diogenes L. Bunquin)
Comments
Post a Comment