Modern Boundary Arch, itatayo sa Los Baños
Opisyal nang idinaos ng pamahalaang bayan ng Bagong Los Baños ang groundbreaking ceremony para sa itatayong modern boundary arch na bubungad sa mga mamamayan at turistang papasok sa bayan ng Los Baños sa kahabaan ng National Highway sa pagitan ng Los Baños at Calamba City.
Sa panayam kay Mayor Anthony “Ton” Genuino nitong Miyerkules, Agosto 21, layunin ng bayang ipakita at maipadama sa publiko ang isang bago at mas progresibong Los Baños alinsunod na rin sa kaniyang adhikain na tahakin at maglunsad ng mga programang magbibigay benepisyo sa mga mamamayan.
Magsisilbi rin ito bilang karagdagang atraksyon sa Los Baños na inaasahang dadaanan ng ilang mamamayan. Bukod sa modernong disenyo, mayroon itong guard post at water feature signage.
Agad nang sisimulan ang konstruksyon na target matapos sa loob ng tatlong buwan at mapasinayaan na bago ang dagsa ng mga bisita sa Kapaskuhan.
Bukod sa modern boundary arch, nauna nang nailunsad ng pamahalaang bayan ang modern waiting shed sa Barangay Batong Malake na itinayo upang magbigay-ginhawa sa mga naghihintay ng masasakyan. | via Maine Odong, PIA4A; Christopher Hedreyda, PIA-Laguna
Comments
Post a Comment