forefront: Bawasan ang bigat
Bawasan ang bigat
Natatandaan ko noong ako ay nasa elementarya kapag papasok sa paaralan dala-dala ko ang lahat ng mga aklat na pinahiram sa amin, halos maputol na ang strap ng aking bagpack sa bigat ng aking dala. Bagamat may mga bag na de hila o yung may gulong upang hindi mabigatan ang likod ay hindi kaya ng aking mga magulang na bumili ng katulad noon. Upang mabawasan ang bigat tinuruan ako ng Lola ko na dalhin ko lamang ang kailangang aklat sa bawat araw at huwag dalhin ang lahat, dahil kung patuloy akong magbubuhat ng mabigat sa aking likod baka raw ako ay makuba na.
Minsan sa ating buhay, tayo ay animoy may mabigat na bagpack na pasan sa ating likuran na nagpapahirap sa ating mental, pisikal at spiritual na kalagayan.
Mga problema ng nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ay tangan natin sa ating isipan.
Mateo 11:28-30
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatan sa inyong pasanin, at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. Sundin ninyo ang mga utos ko at matuto kayo sa akin, dahil mabait ako at mababang-loob.
Ang paglapit natin kay Jesus at pagsuko ng ating buhay ay katiyakan upang maging maginhawa ang ating kalalagayan.
Ang paglimot sa mapait na nakaraan at pagtitiwala sa Diyos para sa kasalukuyan at sa hinaharap ay magbubunga ng kapayaan sa ating mga isipan.
Si Jesus ay namatay at inako ang ating mga kasalanan upang tayo ay maligtas at magtamasa ng maalwang buhay dito at sa eternal.
Mateo 11:29 Pasanin ninyo ang aking pamatok at sundin ninyo ang aking mga itinuturo sapagkat ako'y maamo at mapagkumbabang loob.
Anung alwan ang mamahinga sa kandungan ng ating Panginoon.
Ibigay natin sa Panginoon ang mga dalahin na nakakapag bigay ng bigat sa ating buhay.
Masarap maglakbay dito sa mundong ibabaw ng walang dalang bigat o pasanin sa ating likuran.
Purihin si Jesus ang Diyos na buhay!
Comments
Post a Comment