forefront:Pag may itinanim may aanihin
Pag may itinanim may aanihin
Bata pa lang ako ay lagi kong nakikita ang aking lola na matiyagang nagtatanim sa kanyang hardin, lagi niyang sinasabi sa akin na mahalaga ang magtanim, para sa pagdating ng panahon ito ay tutubo at magkakabunga na maaring mapitas at makain.” Pag may itinanim may aanihin” wika ng aking lola.
Sa aking paglaki ay naunawaan ko na ang pagtatanim ay hindi lamang para sa mga halaman at pananim, ngunit ito ay may mas malalim na kahulugan sa ating buhay dito sa lupa.
Maaari tayong magtanim ng kabutihan at kababaang-loob sa ating kapwa at sa takdang panahon, ito ay aanihin.
Galacia 6:7-8
7 Huwag kayong padaya; ang Dios ay hindi napabibiro: sapagka't ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya.
8 Sapagka't ang naghahasik ng sa kaniyang sariling laman ay sa laman magaani ng kasiraan; datapuwa't ang naghahasik ng sa Espiritu ay sa Espiritu magaani ng buhay na walang hanggan.
Nabangit din ng aking lola na mas mabuti kung marami ang aking ipupunlang pananim, hindi raw ako maaring makasiguro ng lahat ng aking ipinunla ay mabubuhay agad dahil marami pa itong aspetong pagdadaanan.
Magsumikap tayo at huwag magsawa sa paggawa ng mabuti sa ating kapwa at tiyak pagdating ng panahon, babalik din sa atin ang kabutihang nagawa natin. Gayundin, kung tayo ay maghahasik ng kasamaan, tayo rin ay mag-aani ng kasamaan.
To God be the Glory!
Comments
Post a Comment