Santa Rosa at DOST CALABARZON: Magkatuwang sa pagiging Smart City

 Santa Rosa at DOST CALABARZON: Magkatuwang sa pagiging Smart City



Bilang bahagi ng adhikain ni Mayor Arlene B. Arcillas na gawing Smart City ang Santa Rosa, patuloy na pinalalakas ng lungsod ang ugnayan nito sa Department of Science and Technology (DOST) Calabarzon upang maisakatuparan ang mga makabago at teknolohikal na inisyatiba para sa mas episyente at progresibong pamamahala.

Noong  Marso 4, 2025, isang mahalagang kasunduan ang pinirmahan sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa at DOST Calabarzon. Sa pangunguna ni Mayor Arlene B. Arcillas, kasama sina DOST Calabarzon Regional Director Emelita P. Bagsit, Engr. Francisco R. Barquilla III (Assistant Regional Director for Technical Operations ng DOST-Calabarzon), Provincial Science and Technology Office Director Agnes Morales, City Administrator Atty. Leonardo Ragaza, Jr., at City Planning and Development Coordinator Ermin V. Lucino, EnP, nilagdaan nila ang Memorandum of Agreement para sa pagpapatupad ng Innovation, Science and Technology for development and Smart and Sustainable Communities Program at Support Initiative for the Smart City Certification.

Smart City Certification

Dahil sa patuloy na inisyatiba ng Lungsod ng Santa Rosa tungo sa pagiging Smart City, inirekomenda ng DOST Calabarzon ang Santa Rosa sa BSI Smart Cities & Communities Kitemark Solutions. Ito ay isang mahalagang hakbang upang magabayan ang lungsod sa pagkuha ng opisyal na Smart City Certification, na magsisilbing patunay sa pagsunod nito sa mga pandaigdigang pamantayan ng isang “smart, efficient and sustainable city.”

Matatandaang noong 2023, unang inilunsad ang pakikipagtulungan ng Santa Rosa at DOST Calabarzon sa ilalim ng Innovation, Science and Technology for Accelerating Regional Technology-Based Development (iSTART). Ang proyektong ito ay nagbigay-daan sa mas pinahusay na technological planning and development sa lungsod.

Ang kasunduang ito ay isang makasaysayang hakbang na naglalapit sa Santa Rosa sa pagiging kauna-unahang lungsod sa Southeast Asia na makatatanggap ng Smart City Certification mula sa BSI Kitemark. Isang patunay ito na ang lungsod ay patuloy na nangunguna sa inobasyon at modernisasyon, habang isinasaalang-alang ang pangangailangan ng mamamayan para sa isang mas maunlad, matatag, at napapanatiling kinabukasan.

Bakit mahalag ang Smart City Certification?

Ang Smart City Certification ay isang pandaigdigang pagkilala na ibinibigay sa mga lungsod na nagpapatupad ng new technology, data-driven governance, at sustainable urban development. Sa tulong ng sertipikasyong ito, mas mapapahusay pa ang serbisyo publiko, imprastraktura, at kalidad ng buhay ng mga residente ng Santa Rosa.

Ano ang susunod na hakbang?

Patuloy na makikipagtulungan ang Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa sa DOST Calabarzon upang matiyak ang maayos na implementasyon ng mga inisyatiba para sa Smart City Certification. Sa suporta ng iba’t ibang sektor, lalo pang isusulong ang mga programang magdadala ng digital transformation, sustainability, at epektibong pamamahala sa lungsod.

Ang Santa Rosa ay hindi lang isang lungsod ng pag-unlad—ito rin ay isang lungsod ng hinaharap.(CIO-Santa Rosa)


Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course