Toyota Community Shuttle, pormal na pinagkaloob sa Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa

 Toyota Community Shuttle, pormal na pinagkaloob sa Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa


Santa Rosa City-Pormal nang ipinagkaloob ng Toyota Motor Philippines (TMP) Corporation sa Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa ang limang (5) yunit ng Toyota Community Shuttle (TCS) sa ginanap na TCS Closing Ceremony and Fleet Turnover noong Marso 5, 2025.

Ang mga shuttle na ito ay unang ginamit bilang bahagi ng isang kasunduang nilagdaan noong Nobyembre 22, 2023, na may layuning magbigay ng libreng sakay sa publiko at suportahan ang isang mas episyente at makabagong sistema ng transportasyon sa lungsod.

Santa Rosa bilang High-Level Smart City

Ang proyektong ito ay tugma sa pangmatagalang layunin ng Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa na gawing isang “High-Level Smart City” ang lungsod. Alinsunod sa ComprehensiveDevelopment Plan Vision 2023-2028, isinusulong ng Santa Rosa ang pagiging isang highly urbanized, sustainable, at smartest city in the Philippines.

Matapos ang matagumpay na pagpapatakbo ng TCS mula Disyembre 4, 2023, hanggang Enero 31, 2025, nagdesisyon ang Toyota na ganap nang i-donate ang limang shuttle units sa lungsod upang patuloy na makatulong sa pagpapabuti ng serbisyo sa ampublikong transportasyon.

Suporta ng Toyota para sa patuloy na matatag at matalinong trasportasyon

Ayon kay TMP President Masando Hashimoto, bilang dagdag na suporta, magbibigay rin ang Toyota ng isang taong libreng subscription para sa myToyota Shuttle PH application at Fleet Connected Service. Sa pamamagitan nito, masisiguro pang patuloy na ligtas, maginhawa, at intelihenteng transportasyon para sa mga mamamayan ng Santa Rosa.

Pasasalamat at Pangako ng Pamahalaang Lunsod

Lubos namang pinasalamatan ni Mayor Arlene B. Arcillas ang Toyota Motors Philippines sa matagumpay na pagpapatupad ng programang ito. Ayon sa kanya, sisiguraduhin ng Pamahalaang Lungsod na lubos na mapakikinabangan ang mga ipinagkaloob na shuttle upang higit pang mapabuti ang sistema ng transportasyon sa Santa Rosa.

Batay sa datos ng TMP, umabot sa 10,064 katao ang rehistradong gumagamit ng serbisyo, habang nakapagtala ng mahigit 67,000 pasahero—kung saan 90% ay residente ng Santa Rosa.

Bukod dito, lumabas sa isinagawang survey ng Toyota na 96% ng mga pasaherong gumamit ng serbisyo ay positibong tumatangkilik sa app-based shuttle service bilang isang praktikal at epektibong alternatibong transportasyon sa lungsod.

Patuloy na Pag-aaral para sa mas epektibong serbisyo

Sa kasalukuyan, masusing pinag-aaralan ng Pamahalaang Lungsod ang pinakamainam na paraan upang mas epektibong magamit ang limang shuttle units nang sa gayon ay mas marami pang mamamayan ang makinabang sa serbisyong ito.Ang patuloy na pakikipagtulungan ng Santa Rosa sa TMP at iba pang katuwang sa pribadong sektor ay patunay sa pagpapatibay ng matalino at napapanatiling urban development, na naglalayong pagbutihin ang kalidad ng buhay ng mamamayan.(CIO Tonypet/Mhadz Marasigan)

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course