Akay ni Sol Partylist Mobile Botika, Sabay-Sabay na Binuksan sa 4 na Bayan sa Laguna; Gov. Sol Humingi ng Suporta sa Senado para sa mga Proyektong Pangkalusugan
Akay ni Sol Partylist Mobile Botika, Sabay-Sabay na Binuksan sa 4 na Bayan sa Laguna; Gov. Sol Humingi ng Suporta sa Senado para sa mga Proyektong Pangkalusugan
Isang panibagong hakbang tungo sa abot-kayang serbisyong medikal ang inilunsad ng Akay ni Sol Partylist sa apat na bayan sa Laguna, Los Baños, Pagsanjan, Calauan, at Santa Rosa, sa pamamagitan ng Mobile Botika na nagbibigay ng libreng gamot, konsultasyong medikal, at reseta para sa mga pasyenteng may medikal kondisyon.
Sa pagbubukas ng programa, ibinahagi ni Gobernadora Sol Aragones ang kanyang layunin na makapagtayo ng permanenteng Akay ni Gob Botika sa bawat bayan. “Kapag maayos na ang pondo, sisimulan na nating magtayo ng mga Botika sa bawat bayan,” ani Gob. Sol.
Dumalo rin sa aktibidad si Mayor Neil Nocon ng Los Baños, na taos-pusong nagpasalamat sa pagdadala ng Mobile Botika sa kanilang bayan. “Lubos po kaming nagpapasalamat na dinala ninyo ang programang ito dito sa Los Baños. Hindi na kailangang bumiyahe pa ang aming mga residente sa ibang bayan para lang makakuha ng libreng gamot at serbisyong medikal,” ani Mayor Nocon.
Ibinunyag din ni Gobernadora Sol na lumapit siya kay Senador Bong Go upang humingi ng patuloy na suporta para sa mga proyektong pangkalusugan. “Kahapon, nilapitan natin si Senador Bong Go at tiniyak niya sa atin na handa pa rin siyang tumulong pagdating sa mga pangangailangang medikal,” pahayag niya.
Kasabay nito, pinaalalahanan niya ang mga staff at pasyente hinggil sa kahalagahan ng respeto sa pagbibigay ng serbisyo “Bawal ang mataray na empleyado, at bawal din magtaray na pasyente,” aniya.
Ang programang ito ay hindi lamang isang mobile pharmacy ito ay nagsisilbing pag asa para sa mga Lagunenseng hirap makapagpatingin o makabili ng gamot. Sa gitna ng patuloy na hamon ng mataas na presyo at kawalan ng trabaho, ang ganitong inisyatibo ay nagbibigay hindi lang ng ginhawa kundi ng dignidad sa mga pasyenteng matagal nang naghihintay ng abot-kayang atensyong medikal.
Para kay Dondon Raviche mula Santa Rosa, dating bus at taxi driver na nawalan ng trabaho dahil sa komplikasyon sa paningin at hypertension, ang Mobile Botika ay pag-asa. “Napakalaking tulong ng libreng gamot, lalo na ngayon na wala akong hanapbuhay,” aniya.
Si Allen Manahan ng Los Baños, pitong taong stroke survivor, ay lubos na nagpapasalamat sa natanggap niyang maintenance medicine para sa isang buwan. “Maraming salamat po. Malaking tulong ito sa tuloy-tuloy kong paggaling,” ani Allen.
Samantala, mula sa UPLB Forestry area, si Rodrigo Laso, retiradong kasapi ng UP Police na kamakailan lamang na-diagnose na may hypertension, ay nagpahayag ng kanyang pasasalamat. “Malaki po ang tulong ng ganitong programa sa aming mga retirado,” aniya.
Habang patuloy ang pag-ikot ng Mobile Botika sa mas marami pang komunidad at may lumalawak na suporta mula sa lokal at pambansang pamahalaan, ang Akay ni Sol Partylist ay nananatiling tapat sa layunin nitong maghatid ng gamot, malasakit, at tunay na serbisyo sa mga nangangailangan.#
#AkayNiSolPartylist #GobSolAragones #GobyernongMaySolusyon #SolAragones #Laguna #AkayNiSolAragones #everyonefollowers
Comments
Post a Comment