Makasaysayang Inagurasyon ni Gobernador Sol Aragones
Makasaysayang Inagurasyon ni Gobernador Sol Aragones
Nasa larawan si Laguna Gobernador Sol Aragones (kanan) kasama ang kanyang anak na si Anika Aragones nanunumpa sa kanyang tungkulin kay Quezon Gobernador Helen Tan
Sta. Cruz. Laguna-Nanumpa sa makasaysayang inagurasyon ang halal na Gobernador Marisol “Sol” Castillo Aragones Sampelo bilang ika-19 Gobernador ng lalawigan ng Laguna na ginanap sa Sentrong Pangkultura sa Panlalawigang Kapitolyo ng bayan ng Santa Cruz, ika-2 ng Hulyo 2025.
Pinangasiwaan ng Gob. Helen Tan ng lalawigan ng Quezon ang panunumpa sa katungkulan ni Gob. Sol Aragones kasama ang kanyang anak na si Anika Aragones. Pagkatapos naman nito ay pinangunahan ni Gob. Aragones ang panunumpa sa katungkulan ng mga opisyal ng lalawigan na si Bise Gob. JM Carait at mga Bokal ng Sanggunian Panlalawigan.
Sa talumpati ni Gobernador Sol Aragones ay nagpasalamat siya sa lahat ng kanyang mga nakasama at sumuporta sa kanyang naging laban sa politika. Kinilala din niya ang panunungkulan ng dating gobernador. Nagpugay at nagpasalamat din siya sa lahat ng mga Alkalde, Bise-Alkalde, mga Kongresista at mga Konsehal na dumalo sa programa.
Kasabay nito ay inilunsad naman niya via livestream ang Mobile Botika na nagbigay ng libreng konsulta at libreng gamot na ginanap sa Barangay Canlalay Biñan City, Barangay Real Calamba City, Barangay 6A San Pablo City at Barangay Bubukal sa Santa Cruz. Libreng gamot sa hypertension, may diabetes at may mataas na kolesterol. Nakinabang dito ang libo-libong Lagunense kasama na ang PWD’s at maging senior citizen.
Mga mahalagang programa niya na gagawin ay naka-pokus sa Health, Education at Social Services, ang pagpapatuloy ng Iskolar ng Laguna, paglulunsad ng Gob. Sol App, Citizen Journalism on Tourism, Pilgrimage Tourism, pag-papayabong ng Agrikultura at ang pagmamahal sa mga kawani ng pamahalaang panlalawigan.
Aniya, “ Tumulong kayo sa aking adbokasiya. Tapos na ang labanan, ang mahalaga ay magkakasama na tayo ngayon sa susunod na tatlong taon”.
Kaugnay nito ay siniguro naman ni Gobernador Aragones na ang tax ng taong-bayan ay tunay na mapupunta sa mga programa na nararapat para sa kabutihan ng mamamayang Lagunense.
Hudyat man ito ng pagbabago ng liderato ng administrasyon, pero sisiguraduhin niyang matutulungan niya ng may puso ang kababayang niyang Lagunense.
Samantala, dahil sa naisin ng gobernadora na palakasin ang programang turismo ay libreng natikman ang mga kakanin ng mga bisita tulad ng espasol, puto, suman, at iba pa upang tangkalikin ang mga produktong atin na gawa mismo sa ibat-ibang bayan sa lalawigan.
Nagbigay naman ng mensaheng pagbati at pasasalamat si Gob. Helen Tan ng lalawigan ng Quezon, Congresswoman Ann Matibag ng lungsod ng San Pedro at Mayor Benjo Agarao ng Santa Cruz.
Nagtapos ang programa sa isang photo opportunity para sa isang makasaysayang inagurasyon ni Gob. Sol Aragones. (PIO-Laguna/Mhadz Marasigan)
Comments
Post a Comment