Nagpulong ang LION Officers para Palakasin at Palawakin ang Hanay
Nagpulong ang LION Officers para Palakasin at Palawakin ang Hanay
Nagpulong ang Laguna Information Officers Network (LION) noong Miyerkules, Agosto 20 para sa mahalagang ugnayan na nakatuon sa pagpapatibay ng samahan at pagtutok sa laban kontra sa pagkalat ng pekeng balita at maling impormasyon, isang lumalaking suliranin sa makabagong panahon ng digital media.
Kasabay nito, inilatag ng mga opisyal ng LION ang kanilang programa ng mga gawain na layong palakasin ang pagpapalaganap ng tama at tumpak na impormasyon sa antas-barangay.
Iminungkahi ang pagtatatag ng Barangay Information Office (BIO), at gagamitin ang mga nauna nang naitatag na BIO bilang modelo para sa iba pang bayan. Dahil ang barangay ang unang nilalapitan ng mga mamamayan, layunin ng LION na bigyan ng sapat na kagamitan at pagsasanay ang mga BIO upang maging epektibong tagapaghatid ng impormasyon at tagapigil ng maling balita.
Pinagtibay rin ng LION ang plano para sa kanilang panunumpa kay Gobernadora Sol Aragones ngayong Setyembre. Inalok ng Lungsod ng Cabuyao, sa pamamagitan ng kanilang information officer at LION president na si Aristotle Mane, ang lugar para sa seremonya, at personal na pangungunahan ni Gobernadora Aragones ang panunumpa.
Upang matiyak ang maayos na daloy ng talakayan, napagkasunduan ang regular na pagpupulong tuwing huling Miyerkules ng bawat buwan na paiikutin sa iba’t ibang bayan. Tinanggap din ang umiiral na by-laws ng Batangas at Rizal bilang pansamantalang batayan para sa akreditasyon at gabay ng mga information officer.
Alinsunod sa direktiba ni Gobernadora Aragones para sa mas aktibong “citizen patrols” sa barangay, inatasan ang bawat bayan na magsumite ng listahan ng Barangay Information Officers na makikilahok sa iba’t ibang workshop at pagsasanay. Naiulat na nakapagsimula na ang Majayjay sa pagbubuo ng 40 IOs, habang humiling naman ang mga PIO mula San Pedro, Los Baños, at Liliw ng mas matibay na suporta mula sa DILG para pormal na maitatalaga ang mga opisyal.
Kasama sa mga nakatakdang aktibidad ang pagsasanay ngayong Setyembre na pangungunahan ng Philippine Information Agency (PIA), kabilang ang pitong oras na technical training sa pamamagitan ng Zoom sa Setyembre 10. Prayoridad ng mga pagsasanay ang mahusay na pagsulat at komunikasyon, paggawa ng publication materials, at pamamahala ng social media.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng mga pista bilang bahagi ng pagkakakilanlan ng bawat bayan. Napagkasunduang pagplanuhan ang sabayang coverage ng mga pista simula sa susunod na taon. Iminungkahi rin ang pagtatayo ng isang province-wide radio station, pagbuo ng mga lokal na programa sa radyo, at pagpapalakas ng kredibilidad sa pamamagitan ng account verification.
Sa lahat ng ito, layunin ng LION na pagtibayin ang pagbabahagi ng tama at tumpak na impormasyon at palakasin ang ugnayan ng lokal na pamahalaan at mga mamamayan ng Laguna sa ilalim ng pamumuno ni Gobernadora Sol Aragones.##
Comments
Post a Comment