Walang Sisihan, Solusyon Lang: Biglaang Pagbisita ni Gov. Sol Aragones, Nagbunsod ng Action Plan para sa Dr. Jose P. Rizal District Hospital

Walang Sisihan, Solusyon Lang: Biglaang Pagbisita ni Gov. Sol Aragones, Nagbunsod ng Action Plan para sa Dr. Jose P. Rizal District Hospital


Muling nagsagawa ng biglaang pagbisita si Governor Sol Aragones sa mga pagamutan ng lalawigan, at ngayong pagkakataon ay sa LPH Dr. Jose P. Rizal Memorial District Hospital, upang personal na suriin ang kalagayan ng pasilidad, serbisyo, at pangkalahatang kondisyon ng ospital.


Ipinahayag ng gobernador ang kanyang pagkadismaya sa kalagayan ng district hospital na kanyang inilarawan bilang “grabe, parang palengke.” Gayunpaman, hindi niya sinisi si Dr. Peter Uy dahil siya ay bagong talagang Hospital Director ng naturang pagamutan.


Kasama sina Dr. Uy at Dr. Odilon Inoncillo, Officer-in-Charge ng Provincial Health Office, inikot ni Gov. Aragones ang ikalawang palapag ng ospital at direktang nakipag-usap sa mga kawani ng kalusugan, hinihikayat silang ilahad ang kanilang mga hinaing. “Sabihin nyo sakin ang problema, pag hindi nyo sinabi sakin ang problema mahihirapan ako tulungan kayo,” ani ng gobernador, na nagbigay-diin na ang mga solusyon ay mas madaling mahanap kung may bukas na komunikasyon.


Binigyang-diin ni Gov. Aragones na bahagi ng kanyang adbokasiya ang personal na pagbisita sa mga pasilidad pangkalusugan sa buong lalawigan. “Umiikot ako kasi gusto ko malaman ano pang kulang, ano pa kailangan ayusin dito sa ospital,” paliwanag niya. Aniya, ang pagpapabuti ng ospital ay hindi lamang nakasalalay sa pagpapaayos ng imprastruktura, kundi pati na rin sa pagpapaunlad ng kultura ng trabaho. Paalala niya sa mga kawani na mahalaga ang pagiging propesyonal at sabay na tiniyak ang pangangailangan ng kumpletong kagamitan at maayos na pasilidad.


Sa kanyang pagbisita, tinalakay ng gobernador ang ilang agarang hakbang, kabilang ang pagpapatayo ng maayos na waiting area para sa mga bantay ng pasyente, pagpapabuti sa OB-Gyne facilities, at pagdaragdag ng mga kama para sa mga inang kakapanganak. “Ayoko na ng dalawa sa isang bed yung pasyente,” matigas niyang pahayag. Kabilang din sa prayoridad ang pagsasaayos ng sahig ng ospital para sa kaligtasan ng lahat. Bukod dito, humiling ang pamunuan ng ospital ng 100 bagong kama para sa mga pasyenteng adulto, gayundin ng karagdagang kama para sa mga batang pasyente, na isinama sa opisyal na listahan ng bibilhin. Ibinahagi rin ng gobernador na kabilang sa plano ang pagpapalawak ng Emergency Room (ER) at ang pagpapaunlad ng ospital bilang isang apat-na-palapag na gusali upang mas marami pang pasyente at serbisyo ang matugunan.

Muling ipinahayag ng gobernador ang kanyang istilo ng pamumuno: “Wala ng sisihan, ayoko na isisi bat nagyayari ito sa Laguna, mas gusto kong tingnan ano yung solusyon na pede natin pagtulungan.” Tiniyak din niya sa publiko na may pondo para dito at dapat itong gamitin nang tama upang mas mapakinabangan ng mamamayan. “May pondo, gamitin natin yung pondo para yung tax ng mamamayan magamit ng maayos, mapakinabangan ng mahihirap natin mamamayan,” dagdag niya.

Sa pamamagitan ng kanyang masigasig na pangangasiwa at aktibong inspeksyon, layunin ni Governor Sol Aragones na matiyak na ang mga pampublikong ospital sa Laguna ay hindi lamang gumagana nang maayos kundi nagsisilbi rin bilang tunay na tahanan ng paggaling kung saan parehong pasilidad at serbisyo ay tumutugon sa pangangailangan ng mga tao. 

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course