PINALALAKAS NG BAYAN NG PAGSANJAN ANG PAKIKIPAGPARTNER SA UPLB PARA SA SUSTAINABLE DEVELOPMENT
PINALALAKAS NG BAYAN NG PAGSANJAN ANG PAKIKIPAGPARTNER SA UPLB PARA SA SUSTAINABLE DEVELOPMENT
PAGSANJAN, LAGUNA — Isang mahalagang hakbang tungo sa mas maayos at napapanatiling pag-unlad ang isinakatuparan ng Pamahalaang Bayan ng Pagsanjan matapos nitong opisyal na lagdaan ang isang Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang University of the Philippines Los Baños – Technical Assistance Program for Human Settlements Planning (UPLB-TAP-HSP) noong Pebrero 11, 2026 sa Executive Conference Room, Office of the Chancellor, UPLB.
Pinangunahan ni Mayor Hon. Januario “Ferry” G. Garcia ang delegasyon ng Lokal na Pamahalaan ng Pagsanjan, habang kinatawan naman ng UPLB si Chancellor Dr. Jose V. Camacho Jr. Dumalo at naging saksi sa paglagda sina Vice Mayor Rod Fernandez; mga miyembro ng Sangguniang Bayan na sina Konsihal Niño Bernales (Land Use Chairman), Konsihal Melvin Madriaga, at Konsihal Noel Cabela; SK Federation Chairperson Patricia Abaquin; MPDO Prince Oliver Fernandez; gayundin ang mga Dean, Coordinator at Chairperson ng UPLB.
Layunin ng kasunduang ito na palakasin ang pag-update ng Risk-Informed Comprehensive Land Use Plan (CLUP) at Zoning Ordinance ng Pagsanjan. Sa pamamagitan ng teknikal na tulong ng UPLB, titiyakin na ang mga programa at proyektong ipatutupad ng bayan ay nakabatay sa siyentipikong datos, may konsiderasyon sa disaster risk reduction, at nakaayon sa pambansang pamantayan sa land use planning.
Ayon kay Mayor Garcia, ang pakikipagtulungan sa UPLB ay patunay ng matatag na commitment ng lokal na pamahalaan sa pangmatagalang kaunlaran.
“Ang pakikipag-ugnayan natin sa UPLB ay patunay na seryoso ang ating pamahalaan sa pangmatagalang kaunlaran ng Pagsanjan. Hindi lamang ito para sa kasalukuyan kundi para sa susunod na henerasyon. Isinusulong natin ang isang 12-year development program na magbibigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho, imprastraktura, at serbisyong panlipunan,” pahayag ng alkalde.
Sa pamamagitan ng mas pinalakas na ugnayan ng akademya at lokal na pamahalaan, inaasahang magiging mas sistematiko, inklusibo, at environment-friendly ang pag-unlad ng Pagsanjan—isang bayang handang harapin ang hamon ng modernisasyon habang pinangangalagaan ang kalikasan at kapakanan ng mamamayan.
Patuloy ang panawagan ng Pamahalaang Bayan ng Pagsanjan sa aktibong pakikilahok ng komunidad at iba’t ibang sektor upang maisakatuparan ang bisyon ng isang maunlad, ligtas, at matatag na bayan.#

Comments
Post a Comment