Cash assistance ipinamahagi sa 5,103 benepisyaryo ng CEAP

 Cash assistance ipinamahagi sa 5,103 benepisyaryo ng CEAP


Santa Rosa City-Hindi dapat napuputol ang pangarap dahil lang sa matrikula, pamasahe, o pambayad sa proyekto. Kaya muling umabot sa libo-libong kabataang Rosense ang tulong pinansyal mula sa Pamahalaang Lungsod sa pamamagitan ng College Educational Assistance Program (CEAP).
Sa pangunguna ng City Scholarship Office, ipinamahagi ang  5,000 cash assistance sa 5,183 benepisyaryo ng CEAP noong Pebrero 24 hanggang 26, 2026. Pinangunahan nina Mayor Arlene B. Arcillas at Vice Mayor Arnold B. Arcillas ang pamamahagi ng tulong, bilang dagdag-suporta sa mga mag-aaral para sa kanilang pangangailangan sa kolehiyo.
Maaaring gamitin ang natanggap na halaga sa matrikula, aklat, proyekto, pamasahe, at iba pang gastusin sa paaralan. Naging maayos at sistematiko ang distribusyon upang matiyak ang mabilis at ligtas na pagtanggap ng tulong.
Para sa maraming benepisyaryo, ang 5,000 ay higit pa sa halaga. Ito ay konkretong patunay ng malasakit at paniniwala ng Pamahalaang Lungsod sa kakayahan ng kabataan na maabot ang kanilang mga pangarap.
“Malaking tulong po yung College Educational Assistance Program sa akin, mula sa baon, budget at maging sa pangangailangan ko sa eskwelahan. Ito po ay nagsilbing daan upang mabawasan ang aking hirap sa pagbubudget dahil ako po ay self-support(ing) student,” wika ni Christy Mitch C. Caramay, isa sa mga benepisyaryo mula sa PUP Santa Rosa.
Unang inilunsad ang CEAP noong 2017 bilang tugon sa pangangailangan ng mga estudyanteng nagnanais makapagtapos ng kolehiyo sa kabila ng limitadong kakayahang pinansyal. Sa patuloy na pagpapatupad at pagpapalawak ng programa, malinaw ang mensahe ng lungsod: ang edukasyon ay nananatiling pangunahing prayoridad, at walang kabataang dapat maiwan sa landas tungo sa tagumpay.(Trixie Mae B. Umali)

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course