Mula sa munting negosyo tungo sa mas higit pa
Mula sa munting negosyo tungo sa mas higit pa
Tinitiyak ni Melca Ombion na ang kaniyang sari-sari store ay may sapat at ibat ibang uri ng mga produkto upang matugunan ang magkakaibang pangangailangan ng mga mamimili.
Hindi ka dapat umasa sa isang negosyo lang, para kung humina ang isa, may pagkukuhanan ka pa ng pang-araw-araw ninyo, saad ni Melca Ombion, isang 54 taong gulang na ina mula sa Palawan.
Ang karanasan ni Melca sa pagtatrabaho sa hardware at botika noong kaniyang kabataan ang nagsilbing pundasyon para sa kaniyang mga itinayong negosyo.
Kapanapanabik na simula
Binuksan niya ang kaniyang sari-sari store noong 1999. Isa siya sa mga pinakaunang negosyante na nagbukas ng tindahan sa kanilang lugar kaya naman mabilis siyang nakakuha ng mga suki na naging dahilan ng mabilis na paglago ng kaniyang negosyo.
Sa paglipas ng panahon, marami man ang naging kakumpitensya, hindi siya nagpatinag at nanatiling pokus sa kaniyang negosyo. Kinalaunan, karamihan sa ibang tindahan ay nagsara habang ang kaniya ay patuloy na lumago, kayat ito ay naging isa sa pinakamatagal at pinakamatatag na tindahan sa kanilang lugar.
Kilala si Melca sa pagiging masipag at matiyaga. Sa katunayan, ang pagiging abala ay nagbibigay sa kaniya ng sigla. Sa halip na magpahinga, ang pagnanais na makapagpatayo ng mas marami pang negosyo ang nagsilbing inspirasyon upang lalo siyang magsumikap. Determinado, nagbukas siya ng barbershop.
Habang namamahala sa kaniyang mga negosyo, naglaan din siya ng oras sa pag-aalaga ng manok at baboy.
Ginawa ni Melca ang lahat ng ito upang masustentuhan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at para sa kaniyang anak na nag-aaral sa Iloilo. Hindi nagtagal, nagbunga ang lahat ng kaniyang pagod nang makatapos ang kaniyang anak sa kolehiyo.
Maraming tao ang nagpayo sa kaniya na huwag magmadali, lalo na at may trabaho naman na ang kaniyang anak. Ngunit para sa kanya, hanggat kaya niya, siya ay patuloy na kakayod. Naniniwala siya na habang bata pa at malakas ay kailangan mong mag-ipon at magpundar, para sa iyong pagtanda ay mayroon kang aanihin.
Marami mang tagumpay, may pagkakataon din na sinubok siya ng panahon. Noong pandemya taong 2020 ay napilitan siyang isara pansamantala ang kaniyang barbershop. Nang muli niya itong buksan, naging matumal ang negosyo kaya napilitan siyang paupahan ito sa iba noong 2025.
Pagkakaroon ng karagdagang kapital
Upang madagdagan ang puhunan para sa kaniyang sari-sari store, humiram ng loan si Melca sa CARD SME Bank, isang thrift bank sa ilalim ng CARD Mutually Reinforcing Institution (CARD MRI). Taong 2014, nahikayat siyang sumali dahil sa mababang loan interes dito.
Sa kasalukuyan, mayroon siyang loan na nagkakahalaga ng PHP 500,000.00, na ginamit niya bilang kapital para sa kaniyang tindahan at para suportahan ang kaniyang gampanin bilang isang konek2CARD agent. Tungkulin niyang matulungan ang mga kliyente na mag-cash in, mag-cash out, at magbayad ng loan sa pamamagitan ng mobile banking application, na hindi na kinakailangang magpunta sa bangko.
Sa mga susunod pang taon, nais niyang palawakin ang kaniyang negosyo sa agrikultura. Pangarap din niyang magbukas ng botika, lalo na at isang pharmacist ang kaniyang anak sa Palawan. Patuloy na sinisikap ni Melca na masiguro na ang kaniyang oras at resources ay magamit niya nang maayos at hindi masayang. (Josephine M. Ramos)

Comments
Post a Comment