Gob Sol Dedma lang sa mga Basher at Btikos; Pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga Programang Pangkalusugan at Planong Pagpapalawak ng Ospital sa Laguna
Gob Sol Dedma lang sa mga Basher at Btikos; Pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga Programang Pangkalusugan at Planong Pagpapalawak ng Ospital sa Laguna
Hindi na pinapansin ni Gob. Sol Aragones ang mga batikos at paninira sa kanyang administrasyon.
Sa halip, binigyang-diin ng administrasyon ni Gobernador Sol Aragones ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa kalusugan at mga planong pagpapalawak ng mga pangunahing pasilidad medikal sa Laguna.
Ipinabatid ng pamahalaang panlalawigan ang mga pag-unlad sa proyekto ng Laguna Medical Center (LMC), na isinasagawa sa pakikipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Sa pagbisita ni DPWH Secretary Vince Dizon, ipinahayag ang suporta at pangakong pondohan ang planong pagpapatayo ng isang apat na palapag na gusali ng ospital, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang imprastraktura ng pampublikong kalusugan sa bansa. Layunin nitong palakihin ang kapasidad ng ospital at mapabuti ang pangmatagalang serbisyong medikal sa lalawigan.
Isa sa pangunahing programa sa kalusugan ng lalawigan ang pagpapalawak ng Akay ni Gob Botika, na ipinatutupad sa 24 na bayan at 6 na lungsod sa Laguna. Layunin nitong mapalawak ang akses sa mga gamot para sa mga may maintenance na karamdaman sa pamamagitan ng mga itinakdang distribution points sa mga komunidad upang mapalapit ang serbisyong medikal sa mga residente.
Patuloy rin ang pagpapatupad ng libreng anti-rabies vaccination program sa antas ng barangay sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan. Layunin nitong mapalakas ang proteksyon laban sa rabies sa pamamagitan ng pagbabakuna sa mga alagang aso at pusa sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Kasabay nito ang patuloy na pag-ikot ng Doctor sa Barangay program, na nagdadala ng konsultasyong medikal at pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad. Layunin nitong mapalapit ang paunang gamutan at maiwasan ang pagdagsa ng pasyente sa mga pangunahing ospital sa lalawigan.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang mga hakbang na ito ay bahagi ng tuloy-tuloy na pagtutok sa pagpapalawak ng akses sa pangangalagang pangkalusugan, pagpapalakas ng preventibong programa, at pagpapabuti ng mga pasilidad para sa mas maayos na pangmatagalang pangangalaga sa kalusugan sa Laguna.(Report mula sa PIO-Laguna)

Comments
Post a Comment