TWO-WAY RADIO IPINAGKALOOB SA 16 NA BARANGAY NG BAYAN NG PAGSANJAN NI BOKAL ARVIN MANGUIAT

 TWO-WAY RADIO IPINAGKALOOB SA 16 NA BARANGAY NG BAYAN NG PAGSANJAN NI BOKAL ARVIN MANGUIAT


PAGSANJAN,LAGUNA- Isang mahalagang hakbang tungo sa mas maayos at episyenteng komunikasyon sa antas ng barangay ang isinakatuparan sa Bayan ng Pagsanjan matapos ipagkaloob ang mga two-way radio para sa labing-anim (16) na barangay. Ang proyektong ito ay pinangunahan ni Bokal Arvin Manguiat  bilang tugon sa pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan sa mas mabilis na koordinasyon, lalo na sa panahon ng mga mahahalagang okasyon.

Ayon kay Mayor  Januario Ferry Garcia malaking tulong ang mga kagamitang ito upang mapabuti ang sistema ng komunikasyon sa pagitan ng mga barangay at ng municipal government. “Napakahalaga ng maayos na komunikasyon lalo na sa panahon ng Semana Santa kung kailan inaasahan ang pagdagsa ng mga tao. Sa pamamagitan nito, mas mapapabilis ang ating pagtugon sa anumang sitwasyon,” pahayag ng alkalde.

Ipinahayag naman ni Bokal Arvin Manguiat ang kanyang suporta sa mga inisyatibong magpapalakas sa kakayahan ng mga barangay. “Agad nating tinugunan ang kahilingang ito dahil naniniwala tayo na ang bawat barangay ay dapat may sapat na kagamitan para sa mabilis na koordinasyon at pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan,” aniya.

Lubos ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan sa ipinakitang malasakit ni Bokal Manguiat, na anila’y isang mahalagang ambag sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng buong bayan. Ang donasyong ito ay inaasahang magbibigay ng mas episyenteng serbisyo sa publiko, lalo na sa mga oras ng pangangailangan.

Napapanahon ang pamamahagi ng mga two-way radio dahil sa nalalapit na Semana Santa, kung kailan inaasahan ang pagdagsa ng mga bisita at deboto sa Pagsanjan. Malaki ang maitutulong nito sa pagsasaayos ng trapiko, crowd control, at pangkalahatang seguridad sa buong bayan.

Ang pormal na turnover ng mga kagamitan ay sinaksihan nina Mayor Januario Ferry “Jan” G. Garcia, Vice Mayor Cocoy Fernandez, Kon. Niño Gabardo Bernales, Kon. Ronie Leron, ABC President Noogine Pabilonia, MDRRMO Mariz Dela Cruz, at ng mga kapitan ng barangay, POC, at mga hepe ng Barangay Tanod, na nagpakita ng pagkakaisa at suporta sa nasabing programa.(Roy Tomandao photo credit from Fb page of Kon. Nat Bernales)

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course