Isang mangkok ng pagmamahal at tradisyon

 Isang mangkok ng pagmamahal at tradisyon


Si Juvy Jayme, may-ari ng isang kainan sa La Paz, Iloilo City, habang masayang itinuturo ang kanyang mga nilutong putahe na maingat na inayos sa kusina. Ang mga ito ay simbolo ng kanyang dedikasyon at pagmamahal sa pagluluto.


Sa Iloilo City, na kilala bilang Creative City of Gastronomy, may isang babaeng matatag na bumuo ng buhay na nakabatay sa tradisyon at layunin. Sa pamamagitan ng pagluluto at pagpapanatili ng mga pamanang putahe ng lungsod, hindi lamang niya napananatili ang kultura kundi pati ang kabuhayan ng kanyang pamilya. Siya si Juvy B. Jayme, 51 taong gulang, isang mapagmahal na ina at tagapangalaga ng kulturang Ilonggo mula sa La Paz.
Kasama ang kanyang 71 taong gulang na kapatid na si Jean Jayme, pinatatakbo nila ang isang kainan na kilala sa Pancit Molo at Kadyos Baboy Langka o KBL, dalawang paboritong putahe sa Iloilo. Araw-araw, pinupuri ng mga kostumer ang lasa ng kanilang pagkain, ang kalinisan ng lugar, at ang kanilang maayos na serbisyo. Ngunit sa likod ng tagumpay na ito ay mahabang kuwento ng pagsusumikap at dedikasyon.
Mula kusina ng pamilya hanggang negosyo
Nagsimula ang pagmamahal ni Juvy sa pagluluto noong siya ay nasa murang edad pa lamang. Pinagmamasdan niya ang kanyang mga magulang sa kusina hanggang sa natutuhan ang mga resipe ng Pancit Molo at KBL, na kalaunan ay naging pundasyon ng kaniyang negosyo.
Noong 1999, sinubukan niyang magtrabaho sa ibang bansa ngunit nanaig ang kaniyang pagmamahal sa pamilya kaya siya ay bumalik makalipas ang tatlong taon. Sa kaniyang naipon, nagbukas sila ng maliit na café ng kaniyang kapatid noong 2002. Nagsimula ito sa mga inumin lamang, ngunit dahil sa hiling ng kanilang mga suki, dinagdagan nila ng pagkain ang menu. Noong 2004, ipinakilala nila ang KBL gamit ang resipe ng kanilang mga magulang at agad itong tinangkilik. Sinundan ito ng Pancit Molo, hanggang sa lumago ang café bilang kainan na kilala sa lutong-bahay at tradisyonal na putahe.
Pagsubok at pagtitiyaga
Nang mag-aral sa kolehiyo ang kanyang pangalawang anak, lalo pang bumigat ang gastusin. Sa tulong ng kaniyang mga tauhan, nakilala niya ang CARD Bank, Inc. at naging kliyente nito. Sa pamamagitan ng maliliit na pautang at patuloy na pag-iimpok, naitaguyod niya ang pag-aaral ng kanyang mga anak at napalago ang kanilang negosyo.
Ginamit niya ang tulong pinansyal upang ayusin ang kanilang bahay at palawakin ang kainan. Aminado si Juvy na hindi palaging madali ang negosyo. Hindi palaging nagiging matagumpay ang negosyo, sabi niya. May mga pagkakataon na kulang ang puhunan at tumataas ang mga gastusin. Nagpatuloy ang hamon nang tumaas ang presyo ng sangkap, kaya nagtanim siya ng sariling gulay at prutas tulad ng kamote, langka, at peas upang siguradong sariwa ang mga ito.
Pagpapatuloy ng pamana at layunin
Sa kabila ng lahat, nananatiling tapat si Juvy sa kanilang kainan. Siya mismo ang bumibili ng sangkap, nagluluto, nagsisilbi sa kostumer, at katuwang ang kapatid sa pamamahala ng negosyo. Sa kasalukuyan, mahigit 15 putahe na ang kanilang inaalok. Dahil sa kanilang dedikasyon, patuloy silang dinadayo ng mga lokal, opisyal ng lungsod, estudyante, media, at influencer. Naging katuwang din siya ng CARD MRI Hijos Tours Inc. sa pagbibigay ng pagkain sa mga city tour at iba pang aktibidad na lalong nagpapatibay ng kanyang papel sa komunidad.
Para kay Juvy, sapat na ang simpleng pasasalamat ng mga kostumer upang maramdaman niyang mayaman siya sa layunin at dedikasyon. Kung love mo ang niluluto mo, kung love mo ang ginagawa mo, ang epekto niyan sa pagkain, namit gid man  masarap, sabi niya. Sa bawat mangkok ng KBL at Pancit Molo, makikita ang kwento ng pagmamahal, sakripisyo, at pagpupursige. Isa itong paalala na ang tunay na tagumpay ay nagmumula sa paggawa ng bagay na mahal mo at sa paghahatid ng positibong pagbabago sa buhay ng iyong pamilya at komunidad.(Jireh Pearl Casionan)

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course