Mula sa dalawang lalagyan tungo sa daan-daang pangarap

 Mula sa dalawang lalagyan tungo sa daan-daang pangarap


Si Glaiza Velasco, kasama ang kanyang asawa, ay nakadalo na sa ilang international food exhibits kung saan itinampok ang kanilang mga produkto. Ito ay naging posible sa tulong at endorso ng Department of Trade and Industry (DTI) at suporta ng mga Local Government Units (LGUs).


Mula sa dalawang maliit na lalagyan lamang, lumago ang negosyo ni Glaiza Velasco mula sa Pangasinan hanggang sa magkaroon na siya ngayon ng humigit-kumulang 500 drum na ginagamit sa pag-iimbak ng binuburong katas ng tubo para gawing suka.
Nagsimula ang kanyang kuwento noong 2008, noong siya ay isang working student pa lamang. Pinagsabay niya ang pag-aaral, pagtatrabaho sa isang fast-food chain, at ang pagbebenta ng suka na gawa ng mga magsasaka sa kanilang lugar. Ibinebenta niya ito sa kanilang paaralan at sa mga pampublikong pamilihan.
Kalaunan sa parehong taon, nagpasya siyang gumawa ng sarili niyang suka, lalo na t sagana ang tubo sa kanilang lugar. Dahil sa sipag at tiyaga, natapos niya ang kanyang pag-aaral at nagtapos ng Bachelor of Science in Commerce, Major in Management.
Pagkatapos ng kolehiyo, pumasok siya sa corporate world. Ngunit kalaunan ay napagtanto niyang mas nababagay sa kanya ang pagpapatakbo ng sariling negosyo. Kaya noong 2016, nag-resign siya sa kanyang trabaho upang pagtuunan ng pansin ang pagpapalago ng kanyang negosyo.
Isa sa kanyang naging paraan ay ang pagpunta sa mga pampublikong pamilihan upang mag-alok ng free samples. Sa ganitong paraan, nakilala ng mga mamimili ang kaibahan ng kanyang all-natural vinegar kumpara sa ibang komersyal na produkto. Unti-unti, dumami ang kanyang mga suki at lalong tumibay ang kanyang presensya sa merkado.
Noong 2020, habang maraming negosyo ang naapektuhan ng pandemya, naging isang biyaya ito para sa kanilang negosyo. Dahil kumpleto sila sa mga kinakailangang permit at dokumento sa operasyon, sa kanila napunta ang karamihan ng mga order, na lalo pang nagpalago sa kanilang negosyo.
Hindi rin naiwasan ang mga hamon. Dahil pabago-bago ang presyo ng tubo, nagpasya si Glaiza noong 2021 na magrenta ng lupa upang sila na mismo ang magtanim ng kanilang gagamiting tubo. Gayunpaman, bumibili pa rin sila paminsan-minsan mula sa mga magsasaka upang matugunan ang lumalaking demand ng kanilang produkto.
Sa tulong ng kanilang marketing strategy, nakakapag-supply na sila ngayon sa mga supermarket, convenience store, lokal na pamahalaan, bus stops, at mga pampublikong pamilihan. Nakatutulong din ang mga e-commerce platform upang maabot nila ang mga mamimili sa ibat ibang panig ng bansa.
Upang mapanatili ang kalidad ng kanilang produkto, patuloy na dumadalo ang kanilang mga empleyado sa mga training, seminar, at workshop tungkol sa food safety at tamang proseso ng manufacture. Dahil sa pagdami ng kanilang mga mamimili, nakapagtayo na rin sila ng sariling production facility at nakapag-invest sa iba pang mahahalagang kagamitan.
Noong 2018, nakilala ni Glaiza ang CARD SME Bank, isang thrift bank sa ilalim ng CARD Mutually Reinforcing Institutions (CARD MRI). Ang kanyang unang loan na PHP 3,000.00 ay ginamit niya upang bumili ng tubo. Hanggang ngayon ay mayroon pa rin siyang aktibong loan sa bangko na nagsisilbing dagdag na kapital sa kanyang negosyo.
Dahil sa kanyang husay at determinasyon bilang negosyante, kinilala si Glaiza bilang Pagkilala sa Mga Likha ni Inay (PsMLNI) Gawad Maunlad 2025 winner. Ang parangal na ito ay ibinibigay sa mga tulad niya na, sa pamamagitan ng sipag, tiyaga, at responsableng paggamit ng pondo, ay napalago ang kanilang simpleng kabuhayan tungo sa isang matatag na negosyo. Isinasagawa taun-taon ang PsMLNI ng CARD MRI upang parangalan ang mga kliyenteng nakamit ang pag-unlad at tagumpay sa tulong ng institusyon.
Pangarap kong maging global company at brands ang aming negosyo, maging maganda ang kinabukasan ng mga empleyado at mga pamilya nila, pahayag niya.
Para kay Glaiza, ang kanyang tagumpay ay may malawak na epekto dahil nakatutulong ito sa kanyang pamilya, nagbibigay ng trabaho sa iba, at nagbubukas ng oportunidad sa mga magsasaka upang kumita. Bagamat hindi naging madali ang kanyang paglalakbay, ang kakayahang matugunan hindi lamang ang pangangailangan ng kanyang pamilya kundi makatulong din sa iba ang patuloy na nagbibigay sa kanya ng inspirasyon upang lalo pang magsumikap.
Para sa mga nais umorder o magtanong, maaaring bumisita sa Zone 5, Imbalbalatong, Pozzorubio, Pangasinan, o makipag-ugnayan sa 0917-188-2541.Josephine Ramos

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course