San Pablo City Coop Dev Council, May Bagong Pamunuan
San Pablo City Coop Dev Council, May Bagong Pamunuan
San Pablo City-Itinalaga si Bb. Rosemarie N. Lector ng Government Employees Multi-purpose Cooperative (GEMCO) bilang bagong Chairperson ng San Pablo City Cooperative Development Council (SPCCDC) matapos ang isinagawang eleksyon sa Ikalawang Quarterly Meeting noong Abril 16, 2026 sa Mega Cafeteria, Brgy. San Jose, San Pablo City. Inihalal si Lector upang mamuno sa konseho sa loob ng dalawang taon.
Buong pusong tinanggap at pinasalamatan ni Bb. Lector ang SPCCDC sa ipinagkaloob na tiwala at responsibilidad. Ayon sa kanya, pagsisikapan niyang maitaguyod ang maayos at epektibong pamamahala ng konseho upang higit na mapaunlad ang mga kooperatiba at mapanatili ang kapakanan ng bawat kasapi.
Kabilang sa iba pang nahalal na opisyal sina G. Lavson Briones ng Dalubhasaan ng Lungsod ng San Pablo Multi-Purpose Cooperative bilang Vice-Chairperson; Bb. Ludy Pasagui ng Family Multi-Purpose Cooperative (FAMPCO) bilang Secretary; Bb. Lourdes Bravo ng St. Paul Cooperative Union bilang Treasurer; at G. Nel Johnson Aguila ng San Bartolome Teachers Cooperative bilang Auditor.
Ang pagpupulong na may temang “Samahang Maaasahan, Sandigan Tungo sa Matatag na Kinabukasan” ay isinagawa sa pangunguna ng City Cooperatives Office na pinamumunuan ni Bb. Dionisia U. Belen, sa pakikipagtulungan ng Cooperative Development Authority (CDA).
Dinaluhan ang naturang pagpupulong ng 17 primary cooperatives at isang secondary cooperative. Nakiisa bilang mga panauhin sina City Administrator Atty. Joseph Marnic V. De Mesa, Bb. Alexaida Aragonoza ng CDA, G. Jonathan E. Ofredo, Jr. mula sa Department of Interior and Local Government, at Bb. Noemi Enseo ng City Agriculture Office.
Binigyang-diin ni Atty. De Mesa na patuloy ang layunin ng Pamahalaang Lungsod sa pamumuno ni Mayor Najie B. Gapangada na magpatupad ng mga programang magbibigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho at magpapabuti sa kabuhayan ng mga San Pableño. Dagdag pa niya, mahalagang katuwang ng pamahalaang lokal ang mga kooperatiba sa pagsusulong ng kaunlaran. (Nancy Vidal, CIO)

Comments
Post a Comment