Unang Pagpupulong Ng TWG Para Sa Pitong Lawa, Isinagawa; Mga Plano At Panukalang Pangangasiwa Tinalakay

 Unang Pagpupulong Ng TWG Para Sa Pitong Lawa, Isinagawa; Mga Plano At Panukalang Pangangasiwa Tinalakay


Nagcarlan, Laguna – Ika-6 ng Marso 2026 – Nagtipon ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor at pamunuan upang isagawa ang unang tatlong buwang pagpupulong ng Seven Lakes Technical Working Group (TWG) sa Silid Pulungan ng Punongbayan sa Gusaling Pampamahalaan ng bayang ito.
Ang pangkat ay binubuo ng mga piling opisyal, kawani, at kasapi ng samahan mula sa Lungsod ng San Pablo, Bayan ng Rizal, at Bayan ng Nagcarlan, kasama ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) na nagsisilbing pansamantalang pinuno ng pangkat.
Sa pagpupulong, malawakang tinalakay ang mahahalagang paksa na nakatuon sa pangangalaga at maayos na pamamahala ng mga lawa. Kabilang dito ang kasalukuyang kalagayan ng balangkas ng paghahati ng lupain, pag-unlad ng pagsasama-sama at pagtutugma ng mga alituntunin para sa maliliit na lawa, ulat tungkol sa isinagawang pagsusukat at pagsasaliksik sa mga hangganan, at mga ulat na iniharap ng mga pamahalaang lokal, samahan ng mga mangingisda at iba pang kasosyong ahensya at institusyon.
Ibinahagi naman ni Pangalawang Punumbayan Kgg. Rexon V. Arevalo ang kanyang kaalaman at karanasan kaugnay ng paksa, dahil bahagi siya noon ng pagbuo ng Balangkas ng Pagpapaunlad at Pamamahala para sa Lawa ng Yambo noong siya ay nanunungkulan pa bilang konsehal.
Layunin ng lahat ng hakbang at pagpaplano na ito na matiyak ang mahigpit na pangangalaga sa nasabing likas na yaman, pagpapalakas ng mga patakaran na naaayon sa umiiral na batas, at pagtiyak na mananatili itong malinis, buhay, at mapapakinabangan hindi lamang ng kasalukuyan kundi maging ng mga susunod na salinlahi.( Report mula sa FB Account ni VM Rexon Arevalo/RJ Reportorial)

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course