CARD MRI, nakiisa sa kauna-unahang Yakap Lawa Festival sa San Pablo City

 CARD MRI, nakiisa sa kauna-unahang Yakap Lawa Festival sa San Pablo City


Bitbit ng mga mag-aaral ng CMDI San Pablo ang fish lantern habang nakikilahok sa parada, kasama sina CMDI Principal Lorelie Aguilar (kaliwa) at Hijos Tours Tour Manager Ruben Cuerdo (kanan). Tampok ang fish lantern entry ng CARD MRI na itinanghal sa Sampaloc Lake Boardwalk bilang bahagi ng pagdiriwang.

Nakibahagi ang CARD Mutually Reinforcing Institutions (CARD MRI) sa kauna-unahang Yakap Lawa: City of Lakes Festival ng lungsod ng San Pablo, Laguna sa pamamagitan ng isang simbolikong fish lantern na itinampok sa parada noong Mayo 9, 2026.
Layunin ng naturang kapistahanna kilalanin at ipagdiwang ang pitong lawa ng San Pablo City at ang mayamang yamang-tubig nito. Ito rin ang unang taon ng pagdiriwang na inilunsad ng lokal na pamahalaan bilang bagong tradisyon ng lungsod upang higit na mapalalim ang pagpapahalaga ng mamamayan sa kalikasan at mapatatag ang koneksyon ng komunidad sa kanilang kapaligiran.
Pinangunahan ng CARD MRI Hijos Tours ang paglahok ng organisasyonkatuwang ang CARD-MRI Development Institute (CMDI) San Pablo Campus. Sa pamamagitan ng kanilang fish lantern entry, ipinakita ng CARD MRI ang suporta nito sa adbokasiya ng lungsod para sa pangangalaga sa kalikasan at pagpapanatili ng kultura at pagkakakilanlan ng San Pablo.
Ayon kay Marilyn M. Manila, Presidente ng CARD MRI Hijos Tours, espesyal ang kahalagahan ng San Pablo City sa organisasyon. “Bago namin binuksan ang aming tour services sa iba’t ibang bahagi ng bansa, dito muna nagsimula ang Hijos Tours sa San Pablo. Ang pagsali namin sa pagdiriwang ay paraan ng pagbabalik-tanaw at pasasalamat sa lungsod at sa mayamang kultura nito na naging bahagi ng pagbuo ng tour company ng CARD,” ani Manila.
Karamihan sa mga lantern entry sa parada ay gumamit ng disenyo ng tilapia, ngunit pinili ng CARD MRI Hijos Tours at CMDI na gamitin ang isdang biya  bilang pangunahing simbolo ng kanilang likha. Ang biya ay isang maliit na isdang likas na matatagpuan sa Laguna at kilala sa pagiging matatag at madaling makaangkop sa kabila ng simpleng anyo nito.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Edzel Ramos, Presidente ng CMDI, na ang pagpili sa biya ay kaugnay ng isa sa mga pangunahing pagpapahalaga ng CARD MRI. “Sa pamamagitan ng biya, nais naming bigyang-diin ang isa sa core values ng CARD MRI, ang pagpapakumbaba,” saad ni Dr. Ramos.
Dagdag pa niya, ang isda ay sumisimbolo rin sa lakas at tibay ng mga komunidad na patuloy na umaangat sa kabila ng iba’t ibang hamon. Para sa CARD MRI, mahalagang maipakita na ang simpleng bagay ay maaari ding maging simbolo ng pagkakaisa, pag-unlad, at malasakit sa komunidad.
Ibinahagi rin ni Manila na naging inspirasyon nila ang kahalagahan ng biya sa kabuhayan ng mga mamamayan sa lugar. “Ang biya ay sumasalamin sa lakas at simpleng katangian na malapit din sa pagkakakilanlan ng CARD. Naniniwala kami na ito ang tamang simbolo upang katawanin ang CARD habang nagbibigay-pugay rin sa San Pablo,” dagdag niya.
Mahigit 20 mag-aaral mula sa performing arts group ng CMDI San Pablo Campus ang nagtulungan upang buuin ang fish lantern. Samantala, pinangasiwaan naman ng CARD MRI Hijos Tours ang koordinasyon at pagsasagawa ng aktibidad.
Nasa school break noon ang mga estudyante bago magsimula ang susunod na taong panuruan. Nang malaman nila ang pakikipagtulungan ng CMDI at Hijos Tours para sa festival, boluntaryo silang tumulong sa paggawa at pagpapakita ng lantern sa parada.
Ang lantern ay pinintahan ng kulay asul, kahel, at dilaw upang kumatawan sa makulay na kultura ng San Pablo at sa yaman ng mga lawa nito. Upang higit pang maipakita ang tibay at katatagan ng biya, anim na magkakaparehong fish lantern ang ginawa ng mga estudyante sa salit-salitang kulay asul at kahel. Pinagdugtong-dugtong din ang mga lantern sa buong parada bilang simbolo ng pagkakaisa at sama-samang pag-unlad ng komunidad.
Ayon kay Dr. Ramos, higit pa sa isang dekorasyon ang layunin ng kanilang fish lantern. “Ang biya fish lantern na ito ay sumisimbolo sa aming paninindigan sa CARD para sa pangangalaga sa kalikasan at pagpapanatili ng kulturang Pilipino. Sa pamamagitan nito, nais naming hikayatin ang komunidad ng San Pablo na magpatuloy sa pag-unlad habang pinahahalagahan ang kanilang pinagmulan,” aniya.
Itinampok ang fish lantern sa parada mula Rizal Avenue hanggang sa boardwalk ng Sampaloc Lake sa city plaza. Habang bitbit ng mga estudyante ang lantern, gumalaw sila nang tila alon upang gayahin ang paglangoy ng mga isda sa lawa. Matapos ang parada, nanatili ring naka-display ang lantern sa ginanap na evening celebration sa lake boardwalk.
Sa pamamagitan ng kanilang paglahok sa kauna-unahang Yakap Lawa Festival, ipinakita ng CARD MRI ang suporta nito sa mga programang nagpapahalaga sa kalikasan, kultura, at pagkakaisa ng komunidad. Inaasahan ding magpapatuloy ang ganitong mga aktibidad upang higit pang mapalakas ang ugnayan ng mga institusyon at mamamayan sa mga susunod na taon.(Jireh Pearl Casionan)


Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course