Gov. Sol Aragones Hinikayat ang mga Laguna Youth Patrollers na Maging Mapanuri, May Malasakit, at Labanan ang Fake News

Gov. Sol Aragones Hinikayat ang mga Laguna Youth Patrollers na Maging Mapanuri, May Malasakit, at Labanan ang Fake News

Laguna— Hinikayat ni Laguna Governor Sol Aragones ang mga bagong kasapi ng Laguna Youth Patrollers na maging responsable, mapanuri, at dedikadong tagapaghatid ng impormasyon sa kanilang mga komunidad bilang bahagi ng programang naglalayong hubugin ang susunod na henerasyon ng mga mamamahayag at community storytellers sa lalawigan.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng gobernador ang kahalagahan ng pagkakaroon ng "nose for news" o likas na pagiging mapagmasid at mapanuri sa mga pangyayaring nagaganap sa barangay at bayan.

"Bilang Laguna Youth Patrollers, kayo ang magiging tagapagbalita ng mga kuwento sa inyong komunidad. Mahalaga na marunong kayong tumukoy ng mga pangyayaring dapat malaman ng publiko at mga kuwentong makatutulong sa pag-unlad ng inyong bayan," ani Gov. Aragones.

Hinimok din niya ang mga kabataan na maging instrumento sa pagpapalaganap ng turismo sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga magagandang lugar at positibong kuwento mula sa kanilang mga nasasakupan.

Ibinahagi rin ng gobernador ang kanyang personal na karanasan bilang mamamahayag, kung saan isinapanganib niya ang sariling kaligtasan upang maihatid sa publiko ang mahahalagang impormasyon para sa mga pamilyang naghihintay ng balita tungkol sa kanilang mga mahal sa buhay matapos ang isang trahedya sa dagat.

Ayon kay Gov. Aragones, ang tunay na mamamahayag ay may puso, malasakit, at hindi sumusuko sa kabila ng mga pagsubok upang maihatid ang katotohanan sa publiko.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng dedikasyon at pagiging maagap sa paghahatid ng balita, sapagkat ang impormasyon ay dapat na naibabahagi sa tamang oras at sa tamang paraan.

Kasabay nito, hinamon niya ang mga kabataang mamamahayag na maging pangunahing katuwang sa paglaban sa pagkalat ng maling impormasyon o fake news sa pamamagitan ng patas, responsable, at masusing pagberipika ng mga balita bago ito ibahagi sa publiko.

Bilang suporta sa programa, tiniyak ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna na magkakaloob ng kinakailangang tulong tulad ng pamasahe, load allowance, at iba pang pangunahing pangangailangan upang maisagawa ng mga kabataan ang kanilang tungkulin bilang mga tagapaghatid ng impormasyon.

Ang mga unang tumugon sa panawagan ng programa ay kikilalanin bilang mga "Pioneer Laguna Youth Patrollers," na inaasahang magiging huwaran sa pagsusulong ng responsableng pamamahayag at makabuluhang pagbabahagi ng mga kuwento mula sa iba’t ibang bayan ng Laguna.(Mhadz/photo credit: Sol Aragones FB Page)

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course