Konsehala Barbie Diaz, inilatag ang unang State of Leadership Address; transparency, serbisyo at makataong pamamahala, tampok sa ulat
Konsehala Barbie Diaz, inilatag ang unang State of Leadership Address; transparency, serbisyo at makataong pamamahala, tampok sa ulat
San Pablo City, Laguna – Inilahad ni Konsehala Barbie Diaz ang mga pangunahing nagawa ng kanyang tanggapan sa nakalipas na isang taon sa kauna-unahang State of Leadership Address ng isang konsehal sa Lungsod ng San Pablo, na nakatuon sa transparency, accountability, at mga programang direktang tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Diaz ang mga San Pableño sa patuloy na pagtitiwala at suporta mula pa noong siya ay unang tumakbo sa lokal na pamahalaan. Kinilala rin niya ang kanyang amang si dating Konsehal Rondel R.D. Diaz bilang inspirasyon sa kanyang paniniwala na ang tunay na serbisyo publiko ay nakabatay sa integridad at malasakit, at nagpasalamat sa Diyos sa patuloy na paggabay sa kanyang paglilingkod.
Binigyang-diin ni Diaz ang pagpasa ng Behind Closed Doors Transparency and Accountability Ordinance, na nag-uutos ng mandatory live streaming ng regular at special sessions ng Sangguniang Panglungsod upang higit na mapalakas ang bukas at tapat na pamamahala. Aniya, walong buwan nilang isinulong ang panukalang ito bago tuluyang naaprubahan.
Isa rin sa mga pangunahing naisabatas ang Better Days: A Mental Health Lifeline Ordinance of 2025, habang inihain naman ngayong Pride Month ang Right to Care Ordinance upang maisulong ang mas inklusibo at pantay na serbisyong pangkalusugan para sa lahat, kabilang ang LGBTQIA+ community.
Bilang Chairperson ng Committee on Tourism, sinabi ni Diaz na prayoridad niyang mapangalagaan at mapaunlad ang San Pablo Lake sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba't ibang sektor upang makabuo ng pangmatagalang solusyon sa mga usapin ng turismo, trapiko, kalinisan, at pangangalaga sa kapaligiran.
Samantala, bilang Chairperson ng Committee on International Affairs, naghain din siya ng mga resolusyong nananawagan ng agarang repatriation assistance, proteksyon, at suporta para sa mga Pilipinong naapektuhan ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ibinahagi rin ni Diaz ang iba't ibang programang direktang nakinabang ang mga mamamayan, kabilang ang Biyahe de Kalibre o Libreng Sakay Program para sa mga commuter at transport workers, pamamahagi ng mahigit isang libong grocery packs para sa TODA, JODA, delivery riders, at iba pang sektor, gayundin ang regular na Bayan Day kung saan personal niyang tinatanggap at tinutugunan ang mga hinaing ng mga mamamayan.
Kabilang din sa kanyang mga inisyatiba ang Botika Digital, na nagbibigay ng libreng gamot araw-araw sa kanyang tanggapan, at ang Barbie Health Caravan, na nagdadala ng libreng konsultasyon, gamot, at bitamina sa iba't ibang komunidad. Inilaan din niya ang bahagi ng kanyang suweldo upang pondohan ang pagbili ng mga gamot at pagpapatuloy ng naturang programa.
Sa sektor ng edukasyon, nakapagpamigay ang kanyang tanggapan ng mahigit 1,000 school supplies para sa mga mag-aaral at mahigit 500 school kits para sa mga daycare learners. Nagbukas din siya ng 150 scholarship slots para sa mga senior high school students at 100 scholarship slots para sa mga incoming college students sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba't ibang institusyon.
Bukod dito, sinuportahan din ng kanyang tanggapan ang pagpapagawa at pagsasaayos ng iba't ibang pasilidad sa mga paaralan, kabilang ang mga kanal, bubong ng covered court, at pader ng mga pampublikong paaralan upang matiyak ang mas ligtas at mas maayos na kapaligiran para sa mga mag-aaral.
Sa pagtatapos ng kanyang ulat, muling iginiit ni Konsehala Barbie Diaz na ang kanyang pamumuno ay mananatiling nakabatay sa katapatan, transparency, at accountability.
"Ang tunay na serbisyo publiko ay nagsisimula sa pagiging bukas at tapat sa taumbayan. Ang aking katapatan ay mananatiling nakalaan para sa mga mamamayang aking piniling pagsilbihan," ani Diaz.(Mhadz)
Comments
Post a Comment