Tagumpay na hinubog sa tahanan

 Tagumpay na hinubog sa tahanan


Sa loob ng kanilang maliit na tindahan sa Macabalan, Piaping Puti, Lungsod ng Cagayan de Oro, buong pagmamalaking ipinakita nina Jaime at Candelaria ang kanilang sariling gawang longganisa na sumasalamin sa kanilang payak ngunit makabuluhang paglalakbay sa buhay.
Sa Cagayan de Oro, hindi lamang pinagkakakitaan ang itinayo nina Jaime at Candelaria Bedro kundi isang buhay na nakaugat sa sipag, tiyaga, at matibay na pagpapahalaga sa pamilya.
Tubong Cebu si Jaime at maaga niyang naranasan ang hirap ng buhay. Dahil sa limitadong kita ng kanilang pamilya, hindi niya natapos ang kanyang pag-aaral. Sa kabila nito, nanatili siyang determinado na makatulong sa paghahanapbuhay ng kanilang pamilya.
Ang pagsisimula ng kuwento
Dahil isa sa kanyang mga kapatid ay nagtatrabaho sa paggawa ng longganisa, nagsimula si Jaime bilang katulong sa produksyon at kalaunan ay natutuhan niya mismo ang buong proseso ng paggawa nito. Habang tumatagal at nadaragdagan ang kanilang kaalaman at kakayahan, natuto rin silang gumawa ng iba pang produktong pagkain gaya ng chicharon.
Sa paghahanap ng mas magandang oportunidad at bagong simula, lumipat si Jaime at ang kanyang pamilya sa Cagayan de Oro noong 1982. Habang sila ay naninirahan sa kanilang bagong tahanan, ginamit nila ang kanilang kakayahan sa paggawa ng lutong-bahay na pork longganisa na kanilang ibinebenta sa kanilang komunidad, mga kalapit na mall, at pribadong tanggapan.
Makalipas ang ilang taon ng pagsisikap, nakilala ni Jaime si Candelaria, isang residente sa Cagayan de Oro na kalaunan ay naging kanyang asawa. Ikinasal sila noong 1987 at magkasamang nagsimula ng kanilang sariling negosyo ng longganisa. Upang makatulong sa lumalaking pangangailangan ng kanilang pamilya, nagtayo rin sila ng maliit na sari-sari store sa kanilang tahanan na nagsilbing dagdag na pinagkukunan ng kita para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Habang lumilipas ang panahon, hindi sila nakuntento sa kanilang kinikita at patuloy na naghanap ng iba pang mapagkukunan ng kabuhayan. Noong 1998, nagsimula silang gumawa ng pork chicharon na kanilang ibinebenta sa mga tindero sa palengke at mga may-ari ng tindahan sa kanilang komunidad, partikular sa Cogon Market at Bulua Public Terminal.
Nanatiling buhay ang kanilang pagmamahal sa paggawa ng longganisa. Bawat linggo, maingat silang gumagawa ng tatlo hanggang apat na batch ng longganisa gamit ang sariwa at lokal na karne ng baboy. Sa kanilang mahabang karanasan, natutuhan nilang mahalaga ang kalidad upang mapanatili ang kasiyahan ng mga mamimili at ang masarap na lasa ng kanilang produkto.
Sa ganitong business, ang major na challenge namin ay ang mga imported na karne ng baboy. Masusi naming tinitingnan kung local at fresh ba ang karne dahil hindi maganda ang kalidad ng longganisa kapag imported pork ang ginagamit, ani Jaime.
Samantala, hindi rin naging madali ang pamamahala sa kanilang negosyo ng chicharon. Karaniwan silang gumagawa nito nang dalawang beses sa isang linggo at nangangailangan ito ng mahabang proseso. Mula sa paghahanda at pagpapatuyo ng balat ng baboy hanggang sa tamang pagprito nito, bawat hakbang ay nangangailangan ng tiyaga at pagiging maingat. Bukod sa pagtaas ng presyo ng mga hilaw na materyales, isa rin sa kanilang pinakamalaking hamon ang pabago-bagong panahon. Kapag tag-ulan, mas matagal matuyo ang balat ng baboy na nagiging sanhi ng pagkaantala sa produksyon at nakaaapekto sa kanilang regular na iskedyul.
 Sa chicharon business naman, nakadepende sa quality ng pork skin o rinds ang dami ng magiging finished products mo, kaya hindi pare-pareho ang benta at kita, paliwanag niya.
Sa kabila ng lahat ng ito, hindi sila sumuko at patuloy na nagsikap upang mapanatili ang kanilang kabuhayan.
Isang bagong pagkakataon
Kasabay ng paglago ng kanilang negosyo ay ang paglaki rin ng pangangailangan ng kanilang pamilya. Nang mangailangan sila ng karagdagang puhunan, ipinakilala ng isang kapitbahay si Candelaria sa CARD noong 2012. Matapos malaman ang tungkol sa mga produkto nitong pautang at insurance, nagpasya siyang maging kliyente.
Nagsimula siya sa halagang PHP 5,000 na loan at unti-unting tumaas ito sa paglipas ng mga taon hanggang umabot sa PHP 100,000. Malaki ang naitulong ng karagdagang puhunan upang mapalakas ang kanilang negosyo at matugunan ang mga gastusin ng kanilang pamilya. Nang makita ang positibong epekto nito sa kanilang kabuhayan, nagpasya rin ang kanyang asawa na maging kliyente noong 2020.
Ginamit ng mag-asawa ang kanilang loans nang responsable at maayos upang mapalago ang kanilang negosyo. Sa pamamagitan ng disiplina, sipag, at tiyaga, unti-unti nilang napabuti ang kanilang kalagayan sa buhay habang patuloy na sinusuportahan ang edukasyon at pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga anak.
Bukod sa aming negosyo at suporta ng aming pamilya, malaki rin ang pasasalamat namin sa CARD SME Bank dahil nabigyan kami ng oportunidad na magkaroon ng mapagkukunan ng dagdag na puhunan para sa aming negosyo. Sa 14 years ko bilang client, napaayos namin ang aming bahay at nasuportahan ang pangangailangan ng aming apat na anak. Isa pa sa aming ipinagpapasalamat ay ang pagiging CARD scholar ng aming bunsong anak,  pagbabahagi ni Candelaria.
Sa kabila ng tumitinding kompetisyon sa kanilang mga negosyo, patuloy na nagsisikap sina Jaime at Candelaria. Higit pa sa paghahanapbuhay, ibinahagi rin nila ang kanilang kaalaman at kasanayan sa kanilang mga kamag-anak, at ilan sa mga ito ay nagsisimula na rin ng sarili nilang mga negosyo.
Ang kanilang mga sakripisyo ay nagbukas din ng mas magagandang oportunidad para sa kanilang mga anak. Sa kasalukuyan, dalawa sa kanila ang nagtatrabaho na sa Manila at mayroon nang sariling pamilya. Ang isa naman ay tumutulong sa pamamahala at pagpapatuloy ng kanilang negosyo, habang ang kanilang bunsong anak ay kasalukuyang kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Marketing Management sa Cagayan de Oro College bilang CARD scholar.
Sa maraming taon ng pagsisikap, nakapagpatayo sila ng sariling bahay, nakabili ng bahay at lupa, napalawak ang kanilang sari-sari store, at napanatili ang kanilang negosyo sa kabila ng maraming hamon na kanilang pinagdaanan.
Sa hinaharap, nananatiling determinado sina Jaime at Candelaria na lalo pang palaguin ang kanilang kabuhayan. Plano nilang palawakin ang kanilang merkado at higit pang palakasin ang kanilang brand presence. Bilang bahagi ng kanilang pangmatagalang layunin, nais din nilang opisyal na mairehistro ang kanilang mga produktong longganisa sa Department of Trade and Industry (DTI) at makasunod sa iba pang kaugnay na ahensiya ng pamahalaan upang higit pang maging pormal at mapalawak ang kanilang operasyon.
Sa mahabang panahon ng pagtutulungan, pinatunayan nina Jaime at Candelaria na ang simpleng simula, kapag pinatibay ng tiyaga at pagmamahal sa pamilya, ay maaaring humantong sa pangmatagalang tagumpay.(Edrian Banania)

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course