Takaful Products para sa Islamic community ng CARD MRI, inilunsad ng CARD MBA


Takaful Products para sa Islamic community ng CARD MRI, inilunsad ng CARD MBA 

Pormal nang ipinatupad noong Marso 23, 2026 ang Takaful Products ng CARD Mutual Benefit Association, Inc. (CARD MBA) para sa mga kliyente ng CARD, Inc. Paglambo at CARD Islamic Bank, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng CARD Mutually Reinforcing Institutions (CARD MRI) na magbigay ng inklusibo at angkop na serbisyong pampinansyal sa iba’t ibang komunidad, lalo na sa mga kliyenteng Muslim. 

Layunin ng programang ito na maghatid ng proteksyon na sumusunod sa prinsipyo ng Shariah o Islamic law. Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga miyembro na makakuha ng insurance na hindi lamang praktikal kundi naaayon din sa kanilang paniniwala at pamumuhay. Isa itong mahalagang hakbang upang mas mapalawak ang akses sa serbisyong pampinansyal para sa mga sektor na may partikular na pangangailangan. 

Binubuo ang Micro Takaful Products ng tatlong pangunahing produkto: Family Takaful, Basic Takaful Extension, at Golden Takaful. Ang mga produktong ito ay idinisenyo upang matugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga miyembro sa iba’t ibang yugto ng kanilang buhay. 

Ang Family Takaful ang nagsisilbing pangunahing polisiya ng mga kliyente. Saklaw nito ang miyembro at ang kanyang mga kwalipikadong legal dependents. Sa ilalim ng programang ito, may benepisyong matatanggap sakaling magkaroon ng pagkamatay o total and permanent disability ang miyembro o alinman sa kanyang dependents. Mayroon din itong hospitalization benefit kung sakaling maaksidente sa sasakyan ang miyembro o ang kanyang legal na asawa. 

Bukod dito, may kasama ring Retirement Fund component ang Family Takaful. Ito ay isang pondo na unti-unting binubuo upang magsilbing ipon ng miyembro para sa kanyang pagreretiro. Sa ganitong paraan, natutulungan ang mga kalahok na magkaroon ng mas maayos na paghahanda para sa kanilang kinabukasan. 

Samantala, ang Basic Takaful Extension ay inilaan para sa mga miyembrong magreretiro  mula sa Family Takaful pagsapit ng edad na 70. Sa pamamagitan ng produktong ito, patuloy pa rin silang magkakaroon ng basic protection kahit hindi na sila ay retirado na. Layunin nitong masigurong tuloy-tuloy ang proteksyon sa panahon na mas nangangailangan ng seguridad ang mga kliyente. 

Ang Basic Takaful Extension ay inaalok bilang package kasama ang Golden Takaful, isang 10-pay whole life insurance plan. Nangangahulugan ito na maaaring makuha ang Golden Takaful  kung ang miyembro ay  kukuha rin ng Basic Takaful Extension. Ang dalawang produktong ito ay nagbibigay ng benepisyo sa oras ng pagkamatay ng miyembro, upang matiyak na may maiiwang tulong pinansyal para sa kanyang pamilya. 

Noong Agosto 1, 2025, inilunsad din ng Asosasyon ang Financing Takaful, isang microtakaful product na nagbibigay ng proteksyon sa pinansyal ng obligasyon ng Takaful participants at sa mga accredited Islamic Financing Institutions ng CARD MBA. Tinitiyak nito ang 100% koleksyon na halagang ipinagkaloob ng participant sakaling magkaroon ng pagkamatay, Total and Permanent Disability (TPD), o Motor  Vehicular Accident Hospitalization (MVAH). Sa ilalim ng programang ito, saklaw ng Financing Takaful ang participant sa buong panahon ng kontrata sa financing.  

Sa pagpapatupad ng Microtakaful Products ng CARD MBA, inaasahang makikinabang ang maraming kliyente ng CARD, Inc. Paglambo at CARD Islamic Bank. Ang programang ito ay nagbibigay ng proteksyon laban sa mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng aksidente, pagkakasakit, at pagkawala ng mahal sa buhay. 

Sa kabuuan, ang paglulunsad ng Takaful Products ay nagpapakita ng patuloy na pagsisikap ng CARD MBA at ng buong CARD MRI na maghatid ng serbisyong pampinansyal na may malasakit, inklusibo, at tumutugon sa iba’t ibang pangangailangan ng komunidad. Inaasahan na sa mga susunod na buwan, mas marami pang miyembro ang makikinabang sa Takaful Products at magkakaroon ng mas matibay na proteksyon para sa kanilang kinabukasan. Jireh Pearl Casionan,

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course