Vice Mayor Justin Colago, Inilahad ang Isang Taon ng Masiglang Lehislatura at Serbisyo sa San Pablo

Vice Mayor Justin Colago, Inilahad ang Isang Taon ng Masiglang Lehislatura at Serbisyo sa San Pablo




San Pablo City, Laguna — Inilahad ni Vice Mayor Justin Gapit Colago ang mga naging tagumpay at programa ng Sangguniang Panglungsod at ng Tanggapan ng Pangalawang Punong Lungsod sa unang taon ng kanyang kasalukuyang termino mula Hulyo 2025 hanggang Hunyo 2026.

Bilang Presiding Officer ng Sangguniang Panglungsod, pinangunahan ni Vice Mayor Colago kasama ang buong konseho ang pagpapatibay ng kabuuang 746 na resolusyon at 84 na ordinansa na nakatuon sa pagpapabuti ng buhay ng mga mamamayan ng San Pablo.

Kabilang sa mga pangunahing hakbang na naaprubahan ay ang mga programang para sa proteksyon ng kababaihan, persons with disabilities (PWDs), at senior citizens; suporta sa mga transport groups kabilang ang mga tricycle drivers at operators, PUJs at PUVs; gayundin ang pagpapatibay ng ordinansa para sa libreng prangkisa ng mga tricycle.

Nakapaloob din sa mga naipasa ang mga programang may kaugnayan sa edukasyon, kalusugan, kabataan, turismo, palakasan, kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs), at pagpapalawak ng oportunidad sa trabaho at negosyo para sa mga lokal na micro, small, medium, at large enterprises.

Bukod sa kanyang tungkulin sa lehislatura, patuloy ding pinangunahan ng Tanggapan ng Pangalawang Punong Lungsod ang iba't ibang programang nakatuon sa kapakanan ng mga San Pableño.

Isa sa mga naging pangunahing proyekto ay ang kauna-unahang San Pablo City Health Convention na isinagawa katuwang ang San Pablo City Medical Society sa pamumuno ni Dr. Jonel Colago. Layunin nitong higit na mapalakas ang koordinasyon sa pagitan ng Sangguniang Panglungsod at ng mga barangay health workers para sa mas epektibong paghahatid ng serbisyong pangkalusugan.
Matagumpay ding naipatupad ang programang "Just In, Gabayan Ko Career Mo", isang career guidance orientation program para sa mga senior high school students at mga mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng San Pablo. Sa pakikipagtulungan sa mga kolehiyo at unibersidad sa lungsod, natulungan ang mga mag-aaral sa pagpili ng kursong naaayon sa kanilang kakayahan at mga pangarap sa buhay.

Ayon kay Vice Mayor Colago, patuloy niyang pinanghahawakan ang adhikain ni dating Punong Lungsod Vicente "Vic" Amante na mabigyan ng pagkakataong makapag-aral at makapagtapos ang bawat San Pableño.

Kabilang din sa mga pangunahing programa ng kanyang tanggapan ang pamamahagi ng medical supplies sa mga barangay, pagsasagawa ng medical missions, bloodletting activities, at libreng flu vaccination programs.

Nagpahayag din ng suporta ang tanggapan sa mga civil society organizations na kinikilala bilang mga "unsung heroes" dahil sa kanilang mahalagang papel bilang mga boluntaryong katuwang ng pamahalaan sa paglilingkod sa komunidad.

Sa panahon ng kalamidad, krisis, at iba pang sakuna, patuloy ding nagsasagawa ng agarang pagtugon at pagbibigay ng tulong ang Tanggapan ng Pangalawang Punong Lungsod upang matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong mamamayan.

Nagpasalamat naman si Vice Mayor Colago sa kanyang mga kasamahan sa Sangguniang Panglungsod sa kanilang dedikasyon at walang sawang paglilingkod sa pamamagitan ng patuloy na pagbalangkas ng mga ordinansa at resolusyon at sa kanilang aktibong pagdalo sa mga regular session at committee hearings.
Bilang bahagi ng layuning mailapit pa ang pamahalaan sa mga mamamayan, muling isasagawa ang mga regular sessions ng Sangguniang Panglungsod sa iba't ibang barangay katuwang ang mga programang isinusulong ni Congressman Loreto "Amben" Amante.

"Asahan po ninyo ang patuloy at mas marami pang programa at proyektong magdadala ng mas maayos na serbisyo para sa bawat San Pableño," pahayag ni Vice Mayor Colago. (Mhadz/Report mula sa FB Account ni Edgardo Collado) 

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course