50 Toneladang Organic Fertilizer, Ipinamahagi sa mga Magsasaka ng San Pablo

50 Toneladang Organic Fertilizer, Ipinamahagi sa mga Magsasaka ng San Pablo
San Pablo City, Laguna – Umabot sa 50 tonelada o katumbas ng 1,000 sako ng processed organic fertilizer ang ipinagkaloob sa mga magsasaka ng San Pablo City sa pamamagitan ng Bounty Cares Foundation Inc., sa pakikipagtulungan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI)–San Pablo City, San Pablo City Host Lions Club, at ng City Agriculture Office ginanap noong nakaraang July 29, 2026.
Dinaluhan ang turnover at distribution ng mga pangunahing opisyal at kinatawan ng mga katuwang na organisasyon, kabilang sina Acting City Mayor Justin G. Colago, Acting Vice Mayor Carmela Acebedo, City Councilor John Adajar, City Councilor Lion Cesar Ticzon, City Agriculturist Abegail F. Agnes, R. Agr., MBA, MPA, at Erlene Delgado RFP, MPA, San Pablo City Host Lions Club President Enrique "Ricky" Tan, Lions District Governor Mhel Pechara, Lion Aries Alvarez, Bounty Cares Foundation Inc. representative Alex Lumbera, at PCCI–San Pablo City President Engr. Bernard G. Deriquito.


Sa unang bugso ng distribusyon, 450 sako ng organic fertilizer ang naipamahagi sa mahigit 200 benepisyaryong magsasaka, habang nakatakda ang panibagong pamamahagi sa mga susunod na araw para sa iba pang rehistradong samahan ng mga magsasaka.
Ayon kay Abegail F. Agnes, R. Agr., MBA, MPA, City Agriculturist ng San Pablo City, ang kanilang tanggapan ang nangasiwa sa pagpili ng mga kwalipikadong benepisyaryo upang matiyak na ang mga lehitimong magsasaka ang makatatanggap ng libreng pataba.
Binigyang-diin ni Agnes na malaking tulong ang programa sa mga magsasaka sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng agricultural inputs, partikular ng fertilizer, dahil makatutulong ito upang mapanatiling mataba at produktibo ang kanilang mga pananim nang wala silang karagdagang gastusin.
Idinagdag pa niya na bukod sa pamamahagi ng organic fertilizer, patuloy ring nagpapatupad ang City Agriculture Office ng mga pagsasanay para sa mga magsasaka, suporta sa farm-to-market roads, pamamahagi ng mga pananim, at iba pang programang pang-agrikultura. Hinikayat din niya ang mga magsasaka na magparehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang maging kwalipikado sa iba pang serbisyo ng Department of Agriculture, kabilang ang libreng crop insurance, farm machineries, at iba pang ayuda.

Ang pamamahagi ng organic fertilizer ay bahagi ng patuloy na pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at pribadong sektor upang mapalakas ang produksyon ng agrikultura at masuportahan ang kabuhayan ng mga magsasaka sa Lungsod ng San Pablo.

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course