Bokal Angelica Jones Alarva patuloy na pinalalakas ang livelihood at medical assistance sa Laguna 3rd District
Bokal Angelica Jones Alarva patuloy na pinalalakas ang livelihood at medical assistance sa Laguna 3rd District
San Pablo City, Laguna — Ibinahagi ni Laguna Third District Board Member Angelica Jones Alarva na patuloy niyang isinusulong ang mga programang pangkabuhayan para sa mga residente ng Ikatlong Distrito sa pakikipagtulungan sa pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Sol Aragones, Third District Representative Loreto "Amben" Amante, at San Pablo City Acting Mayor Justin Colago.
Sa panayam, sinabi ni Alarva na layunin ng mga livelihood program na gaganapin sa lungsod na mabigyan ng dagdag na kabuhayan at mapagkukunan ng kita ang mga benepisyaryo upang makatulong sa pag-angat ng kanilang pamumuhay.
Bukod sa mga programang pangkabuhayan, tiniyak din ng bokal na magpapatuloy ang pagsasagawa ng mga medical mission sa iba't ibang bahagi ng Ikatlong Distrito katuwang ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Ayon sa kanya, sa tulong din ng ilang kaibigang senador ay maaari siyang makapagbigay ng mga guarantee letter sa mga kababayang nangangailangan ng tulong medikal.
Binigyang-diin ni Alarva na mahalaga ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga halal na opisyal upang maihatid ang mas maayos at mas mabilis na serbisyo publiko hindi lamang sa Ikatlong Distrito kundi maging sa buong lalawigan ng Laguna.
Samantala, bukod sa kanyang tungkulin bilang halal na opisyal, kinikilala rin si Alarva bilang isang premyadong artista na nakapagbida sa iba't ibang pelikula. Aniya, pinagsisikapan niyang mabigyang-balanse ang kanyang pagmamahal sa pag-arte at ang kanyang responsibilidad sa paglilingkod sa publiko.
Inanyayahan din ni Alarva ang publiko na suportahan ang pelikulang "Neophyte 26," kung saan isa siya sa mga pangunahing bida. Ayon sa kanya, tampok sa pelikula ang mensaheng nagbibigay ng gabay at kamalayan sa mga kabataan upang makaiwas sa mga panganib at maling landas sa buhay.
Comments
Post a Comment