*Cayetano iginiit ang mga patakaran sa Day 2 ng VP impeachment trial*
*Cayetano iginiit ang mga patakaran sa Day 2 ng VP impeachment trial*
Iginiit ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano nitong Martes ang mahigpit na pagsunod sa tamang patakaran matapos niyang sitahin ang aniya’y “leading question” ng prosecution panel sa ikalawang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
“I’ll be very particular when it comes to the rules and it’s not against any particular group… All of us want to expedite [this], but let’s follow the rules,” pahayag ni Cayetano.
Ipinresenta ng prosecution ang kanilang mga ebidensya kaugnay ng Article IV ng impeachment complaint, na tumutukoy sa umano’y pagbabanta ni Duterte sa buhay nina President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sa isang online press briefing noong November 2024.
Sa witness examination, tinanong ng prosecution si National Bureau of Investigation cybercrime agent John Mark Calilung kung saan mismo sa video sinabi ni Duterte na may inupahan siyang tao para “patayin” ang First Family.
Inalmahan ni Cayetano ang tanong ng prosecution at sinabing dapat ang witness mismo ang maunang magsabi kung ano ang nakita niya sa video bago ito tanungin kung saang bahagi naroon ang umano’y banta.
“The rules say you cannot allow leading questions, whether it’s from the judges, the presiding officer, or defense,” giit ni Cayetano.
Paliwanag niya batay sa Rules of Evidence: “You lay the basis, meaning, simply, you ask him ano y’ung laman ng video. ‘Pag binanggit na niya na may ganito sa laman ng video, then you can ask him directly what part [iyon].”
Kinatigan naman ni presiding officer Senator Francis Escudero si Cayetano at inatasan ang prosecution maglatag muna ng batayan bago tanungin ang witness tungkol sa timestamp.
Bago nito, iminungkahi ni Cayetano na panoorin na ng court ang buong dalawang oras na recording ng press briefing ni Duterte imbes na piling clips lamang dahil plano rin naman ng defense na ipakita ang buong video sa susunod.
“Para walang prejudgment. Kasi ‘pag nauna y’ung portions na maliliit and then saka mo lang sasabihin ito pala ang context, medyo umiiba [ang interpretation],” paliwanag ng lawyer-senator.
“I don’t want to really go home today believing one thing based on a two-minute clip and then come back next week to watch the two-hour clip,” dagdag niya.
Nilinaw naman ni Cayetano na inihain lamang niya ang mungkahi para mas mapadali ang pagdinig.
“I’m not criticizing the motion of the prosecution. I see what you mean,” aniya. “I’m just trying to expedite.”
Matapos magpasya si Escudero at ang Senate Impeachment Court na maaaring iharap ng magkabilang panig ang kanilang ebidensya sa paraang nais nila, tinanggap ni Cayetano ang ruling at hinayaang magpatuloy ang pagdinig.
Nauna nang hinikayat ni Cayetano ang Impeachment Court na manatiling patas sa paghahanap ng hustisya at manatiling tapat sa Konstitusyon, Senate rules, at rules of impeachment.
“Lord, do not allow us to obstruct justice,” sabi niya sa kaniyang pambungad na panalangin. “Lead each one of us to pursue this impeachment trial with fairness, political neutrality and due process. We may disagree on many things… Yet may we agree in the words You put in the framers of the Constitution.” ###
Comments
Post a Comment