Councilor Francis Calatraba Inihain ang mga Resolusyon para sa Mas Mahigpit na Kaligtasan, Kalusugan, at Pangangalaga sa Kapaligiran sa San Pablo City

Councilor Francis Calatraba Inihain ang mga Resolusyon para sa Mas Mahigpit na Kaligtasan, Kalusugan, at Pangangalaga sa Kapaligiran sa San Pablo City



San Pablo City, Laguna — Naghain si City Councilor Francis Calatraba ng tatlong resolusyon na naglalayong palakasin ang pagpapatupad ng mga umiiral na batas at patakaran sa Lungsod ng San Pablo, partikular sa larangan ng kaligtasan ng publiko, proteksyon sa kabataan, at pangangalaga sa kapaligiran.

Isa sa mga inihain ni Calatraba ang Resolusyon na humihikayat sa mahigpit na pagpapatupad ng National Building Code sa Lungsod ng San Pablo upang matiyak na ang lahat ng gusali at istruktura ay sumusunod sa itinakdang pamantayan ng seguridad, katatagan, at kahandaan laban sa mga sakuna.
Ayon sa konsehal, mahalaga ang masusing pagpapatupad ng mga pamantayan sa pagtatayo ng mga gusali upang maiwasan ang mga panganib at mapangalagaan ang buhay at kaligtasan ng mga mamamayan, lalo na sa panahon ng lindol, bagyo, at iba pang kalamidad.

Samantala, naghain din si Calatraba ng resolusyon na humihiling sa mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaang lungsod na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng Ordinance No. 193, Series of 2024, na nagreregula sa pagtatatag at operasyon ng mga vape shop sa San Pablo City.

Partikular na binigyang-diin ng resolusyon ang pagsunod sa probisyon hinggil sa proximity o distansya ng mga vape shop mula sa mga paaralan, bilang hakbang upang maprotektahan ang mga mag-aaral laban sa posibleng epekto ng madaling pag-access sa mga produktong may kaugnayan sa vaping.

“Ang proteksyon sa kalusugan at kapakanan ng ating mga kabataan ay isang mahalagang responsibilidad ng pamahalaan. Kailangang masiguro na ang mga umiiral na ordinansa ay hindi lamang naisusulat kundi aktuwal na naipatutupad,” pahayag ni Calatraba.

Ikatlo naman ang resolusyon na naglalayong lumikha ng isang sustainable implementation framework para sa environmental education at solid waste management sa pamamagitan ng pagsasama ng mga prinsipyo ng pangangalaga sa kalikasan, kabilang ang source separation o paghihiwalay ng basura sa pinagmumulan, sa kurikulum ng lahat ng pampubliko at pribadong paaralang nag-aalok ng elementarya at sekondaryang edukasyon.

Layunin nitong mahubog ang disiplina, kamalayan, at pananagutan ng mga kabataan sa wastong pagtatapon at pamamahala ng basura, na magsisilbing pundasyon ng mas malinis at mas maayos na komunidad.
Binigyang-diin ni Councilor Calatraba na ang mga hakbang na ito ay bahagi ng kanyang pagsusulong ng mga polisiya na nakatuon sa kaligtasan ng mamamayan, proteksyon sa kabataan, at sustainable development ng Lungsod ng San Pablo.

“Ang pagpapatupad ng mga batas at ordinansa ay mahalaga upang magkaroon tayo ng isang ligtas, disiplinado, at responsableng komunidad. Ang mga resolusyong ito ay hakbang tungo sa mas matatag at mas maunlad na San Pablo,” dagdag ng konsehal. (Mhadz) 

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course