DICT, Santa Rosa LGU naglunsad ng libreng Wi-Fi sa 10 pampublikong paaralan

 DICT, Santa Rosa LGU naglunsad ng libreng Wi-Fi sa 10 pampublikong paaralan


Santa Rosa City, Laguna — Pinalawak ng Department of Information and Communications Technology (DICT), katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa, ang access sa digital education matapos opisyal na ilunsad noong Hulyo 16 ang Free Public Internet Access Program sa 10 pampublikong paaralan at isang state university sa lungsod.

Isinagawa ang paglulunsad sa Polytechnic University of the Philippines (PUP)–Santa Rosa Campus sa pangunguna ni City Mayor Arlene B. Arcillas, kasama sina Vice Mayor Arnold B. Arcillas, Congressman Roy M. Gonzales, mga opisyal ng DICT, Department of Education (DepEd) CALABARZON, PUP Santa Rosa, at mga kinatawan ng Pamahalaang Lungsod.

Ayon kay Mayor Arcillas, mahalaga ang pagkakaroon ng maaasahang internet connection upang mapalawak ang oportunidad ng mga mamamayan sa edukasyon, paghahanapbuhay, negosyo, komunikasyon, at pagkuha ng mga serbisyo ng pamahalaan.

Sinabi rin ng alkalde na patuloy na pinalalakas ng lungsod ang digital infrastructure upang maging mas accessible ang teknolohiya sa bawat Rosense at masuportahan ang pagkatuto ng mga mag-aaral, paghahanap ng trabaho, paglago ng maliliit na negosyo, at mas mabilis na pag-access sa mga serbisyong pampubliko.

Saklaw ng programa ang pagkakaloob ng libreng internet access sa Pulong Sta. Cruz National High School, Don Jose Integrated High School, Dita Integrated School, Leon C. Arcillas National High School, Labas Senior High School, Balibago National High School, Aplaya National High School, Sinalhan Integrated High School, Southville 4 National High School, at PUP Santa Rosa.

Inaasahang makatutulong ang libreng Wi-Fi upang mas mapadali ang paggamit ng online learning materials, digital learning platforms, research resources, at iba pang makabagong kasangkapan sa pagtuturo at pagkatuto.

Kasabay nito, ipinamahagi rin ang SPARK Training Vouchers na naglalayong palakasin ang digital skills ng mga benepisyaryo bilang paghahanda sa mga oportunidad sa lumalawak na digital economy.

Ayon sa Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa, bahagi ang programa ng patuloy nitong pakikipagtulungan sa DICT at iba pang ahensya ng pamahalaan upang isulong ang digital transformation at matiyak na mas maraming residente ang magkakaroon ng pantay na access sa teknolohiya, impormasyon, at dekalidad na serbisyong pampubliko.(Mhadz/CIO-Santa Rosa)

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course