DILG, IPINATUPAD ANG OMBUDSMAN ORDER; JUSTIN COLAGO NAG-ASSUME BILANG ACTING MAYOR NG SAN PABLO CITY
DILG, IPINATUPAD ANG OMBUDSMAN ORDER; JUSTIN COLAGO NAG-ASSUME BILANG ACTING MAYOR NG SAN PABLO CITY
SAN PABLO CITY, Laguna – Pormal na ipinatupad ngayong araw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Order dated July 8, 2026 ng Office of the Ombudsman sa kasong OMB-L-A-JUN-26-0164, na pinamagatang "Justin G. Colago vs. Arcadio 'Najie' Gapangada Jr. (City of San Pablo, Laguna)."
Sa naturang kautusan, ipinataw ang anim (6) na buwang preventive suspension kay Mayor Arcadio "Najie" Gapangada Jr. habang nagpapatuloy ang pagdinig sa administratibong kaso.
Alinsunod sa umiiral na mga probisyon ng Local Government Code, nag-assume sa tungkulin bilang Acting Mayor si Vice Mayor Justin G. Colago. Kasabay nito, si Konsehala Carmela Acebedo naman ang nag-assume bilang Acting Vice Mayor ng San Pablo City.
Sa kanyang unang pahayag bilang Acting Mayor, nagpasalamat si Colago sa Panginoon sa pagkakataong makapaglingkod at tiniyak na magpapatuloy ang maayos, tapat, at episyenteng pamamahala sa lungsod.
Ayon kay Colago, kabilang sa mga pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagpapatuloy at pagpapalakas ng mga programa sa edukasyon, pangangalagang pangkalusugan, at iba pang serbisyong tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Nanawagan din siya sa lahat ng mga San Pableño na magkaisa at suportahan ang pamahalaang lungsod upang matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mga programa at serbisyo publiko.
Binigyang-diin din ng Acting Mayor ang kahalagahan ng pagkakaisa at pakikipagtulungan ng lahat ng opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan upang mapanatili ang maayos na operasyon ng City Hall at patuloy na makapaghatid ng dekalidad na serbisyo sa publiko.
Samantala, tiniyak ni Acting Vice Mayor Carmela Acebedo ang kanyang buong suporta sa kasalukuyang pamunuan at hinikayat ang lahat ng opisyal at empleyado ng pamahalaang panlungsod na manatiling nakatuon sa kanilang tungkulin at sa kapakanan ng mga mamamayan.(Mhadz/Photo credit: Lynn Domingo)
Paalala: Ang preventive suspension ay isang pansamantalang hakbang na inilalapat habang dinidinig ang isang administratibong kaso. Hindi ito nangangahulugan ng paghatol o deklarasyon ng pagkakasala ng isang opisyal. Magkakaroon pa rin ng pagkakataon ang mga partido na iharap ang kanilang mga ebidensya at panig bago maglabas ng pinal na desisyon ang Office of the Ombudsman.
Comments
Post a Comment