Kalamidad, Dapat Maagang Pinaghahandaan – Mayor Lopez
Kalamidad, Dapat Maagang Pinaghahandaan – Mayor Lopez
ALAMINOS, Laguna - “Hindi na dapat hintayin ang pagdating ng kalamidad, tulad ng pagdaraan ng bagyo, bago tayo umaksyon.” Ito ang palaging ipinaalaala ni Mayor Ericson R. Lopez sa mga bumubuo ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na kasalukuyang pinangungunahan nina MDRRM Head Christian Sabiniano at Municipal Social Welfare and Development Officer Noriddi Carreon. At ang talakayan ukol sa paghahanda sa kalamidad ay hindi ngayon lamang buwan ng Hulyo kung kailan ipinagdiriwang ang “National Disaster Resillience Month,” kundi sa buong taon.
Ayon sa alkalde, dapat na nakahanda na ang lahat ng mga inaasahang magiging pangangailangan sa sandaling mapapansing may bantang panganib na maaaring magdaan o maganap sa pamayanan, tulad ng pagtataas ng babala ng PAGASA na may namumuong sama ng panahon o bagyo, sapagkat hindi sa lahat ng pagkakataon ay mayroong biglaang tulong mula sa labas ng pangasiwaang lokal sa oras ng kagyat na pangangailangan. Anya, ang bahagi ng calamity fund ay marapat na magsilbing petty cash upang may maipangbili ng mga pangkagipitang pangangailangan, kasama na ang pagkain sa panahon ng kalamidad o emergency cases.
Maging ang mga relief goods na nasa imbentaryo na ng pamahalaan ay dapat na nakapake na kaagad, upang madalian itong maihahatid kung saan kakailanganin. At dapat ding laging tiyakin na ang mga canned goods at iba pag-uri ng pagkain ay hindi pa expired, paalaala pa rin ni Alkalde Lopez. (Ruben E. Taningco)

Comments
Post a Comment