Mahigit 1,100 Benepisyaryo, Nakinabang sa Malawakang Medical at Dental Mission sa Alaminos, Laguna
MAHIGIT 1,100 ALAMINEÑO, NAKINABANG SA MALAKIHANG MEDICAL AT DENTAL MISSION NI CONG. AMBEN AT LGU ALAMINOS
Libreng konsultasyon, laboratory examinations, X-ray, ultrasound, dental services at mga gamot, inilapit sa mamamayan
ALAMINOS, Laguna – Bilang patunay ng patuloy na malasakit sa kalusugan ng mamamayan, matagumpay na naisagawa ang isang malakihang Medical and Dental Mission sa Alaminos Elementary School sa pangunguna ni Laguna Third District Representative Loreto "Amben" Amante, katuwang sina Alaminos Mayor Eric Bulado Lopez, Vice Mayor Vic Mitra, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga punong barangay, at iba't ibang partner organizations.
Mahigit 1,100 residente, kabilang ang mga nagparehistro at walk-in patients, ang nabigyan ng libreng serbisyong medikal. Kabilang sa mga ipinagkaloob ang medical consultation, dental services, complete blood count (CBC), blood chemistry, X-ray, ultrasound, at iba pang laboratory examinations, bukod pa sa libreng maintenance medicines at iba pang gamot para sa mga nangangailangan.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Cong. Amben na agad niyang inaprubahan ang kahilingan ni Mayor Eric Lopez na magdaos ng isang malawakang medical mission upang higit na mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga residente ng Alaminos.
"Hindi dapat maging hadlang ang kahirapan upang makapagpagamot ang ating mga kababayan. Ang layunin natin ay maagapan ang sakit bago ito lumala. Totoo ang kasabihang Health is Wealth—mas mahalaga ang mabuting kalusugan kaysa anumang kayamanan," ani Cong. Amben.
Ayon sa kongresista, mahalagang magkaroon ng regular na pagpapasuri upang agad matukoy ang mga karaniwang karamdaman gaya ng high blood pressure, diabetes, mataas na cholesterol, at uric acid, upang mabigyan ng tamang lunas at libreng maintenance medicines ang mga pasyente.
Ibinahagi rin niya ang personal na karanasan ng kanilang pamilya na nawalan ng ilang mahal sa buhay dahil sa kakulangan noon ng akses sa serbisyong medikal. Aniya, ito ang nagsilbing inspirasyon upang gawing isa sa pangunahing prayoridad ng kanyang tanggapan ang pagpapalawak ng mga programang pangkalusugan sa buong Ikatlong Distrito ng Laguna.
Samantala, pinuri rin ni Cong. Amben si Mayor Eric Lopez sa pagpiling ipagdiwang ang kanyang kaarawan sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanyang mga kababayan.
"Mas pinili ni Mayor Eric na maging handog sa kanyang kaarawan ang pagtulong sa mga mamamayan ng Alaminos. Isa itong halimbawa ng tunay na malasakit at tapat na serbisyo publiko," dagdag niya.
Nagpasalamat din ang kongresista sa mga doktor at medical volunteers na nagmula pa sa Metro Manila, gayundin at iba pang katuwang na organisasyon na naging bahagi ng matagumpay na pagsasagawa ng programa.
Binigyang-diin ni Cong. Amben na hindi rito nagtatapos ang kanilang adbokasiya sa kalusugan. Aniya, magpapatuloy ang serye ng Medical and Dental Missions sa iba't ibang bayan ng Ikatlong Distrito ng Laguna, kung saan nakatakdang dalhin ang susunod na programa sa bayan ng Victoria sa Agosto.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng tanggapan ni Cong. Amben, ng lokal na pamahalaan ng Alaminos, at ng kanilang mga katuwang, patuloy na naipapakita ang layunin na mailapit ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan sa bawat pamilya ng nasabing bayan at matiyak na walang maiiwan sa mga programang nagtataguyod ng isang mas malusog at mas matatag na komunidad.
Comments
Post a Comment