Makabagong poultry dressing plant ng ART Fresh Chicken Corporation, binuksan sa San Pablo City
Makabagong poultry dressing plant ng ART Fresh Chicken Corporation, binuksan sa San Pablo City
San Pablo City, Laguna — Pormal nang binuksan ang makabagong ART Fresh Chicken Corporation Poultry Dressing Plant sa Barangay San Bartolome, San Pablo City, Laguna, isang malaking pamumuhunan na inaasahang magpapalakas sa produksyon ng manok, lilikha ng trabaho, at susuporta sa food security ng bansa.
Ang bagong pasilidad ay idinisenyo bilang isang integrated food processing facility na may food processing area, cold storage, at blast freezing facility upang matiyak ang kalidad, kaligtasan, at pagiging sariwa ng mga produktong manok.
Ang programa ay pinangunahan ni Atty. Jose Arturo "Jayart" M. Tugade Founder ng ART Fresh Chicken Corp. kasama ang pamilya nito.
Dumalo sa nasabing programa sina City Mayor Arcadio“Najie" Gapangada, Jr.,Rizal Vice Mayor Tony Aurelio na kumatawan kay Laguna Governor Marisol “Sol' C. Aragones, Department of Transportation Secretary Giovanni Z, Lopez,
Charoen Pokphand Foods Phils. Chairman Mr. Sakol Cheewakoset, Department of Agricuture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., na siyang nagbigay ng inspiration message at mga kawani ng ART Fresh Chicken Corp.
Ayon kay Atty. Jose Arturo M. Tugade, founder ng ART Fresh Chicken Corporation, ang proyekto ay hindi lamang nakatuon sa pagproseso ng manok kundi sa pagtatayo ng isang modernong pasilidad na makatutulong sa pagpapaunlad ng lokal na industriya ng agrikultura at poultry.
Layunin aniya ng kumpanya na makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho, makatulong sa pagpapalakas ng suplay ng pagkain sa bansa, at makibahagi sa pag-unlad ng industriya ng poultry sa Laguna at mga karatig-lalawigan.
Kinatawan ni Rizal Vice Mayor Tony Aurelio, chairman ng Akay Ni Sol Partylist, si Laguna Governor Sol Aragones sa pagbubukas ng pasilidad. Ipinaabot niya ang pagbati at suporta ng gobernador sa ART Fresh Chicken Corporation, habang binigyang-diin na ang naturang pamumuhunan ay patunay sa patuloy na pagiging kaakit-akit ng Laguna bilang destinasyon ng mga negosyo at mamumuhunan.
Sinabi ni Aurelio na inaasahang makapagbibigay ang pasilidad ng mas maraming hanapbuhay para sa mga residente, magpapasigla sa lokal na ekonomiya, at mag-aambag sa paglago ng lalawigan.
Hinikayat din niya ang pamunuan ng kumpanya na panatilihin ang mataas na pamantayan sa kalinisan, food safety, at kalidad ng mga produkto upang mapanatili ang tiwala ng publiko.
Batay sa inihayag ng kumpanya, may kapasidad ang pasilidad na magproseso ng humigit-kumulang 60,000 manok bawat araw gamit ang makabagong teknolohiya na naglalayong gawing mas episyente ang operasyon at produksyon.
Samantala, sinabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang pagbubukas ng ART Fresh Chicken Corporation Poultry Dressing Facility ay isang mahalagang ambag sa pagpapalakas ng poultry industry at food security ng Pilipinas.
Ayon kay Laurel, ang pasilidad ay may kakayahang magproseso ng humigit-kumulang 145 metric tons ng manok kada araw, na makatutulong upang matiyak ang sapat na suplay ng ligtas at dekalidad na produktong manok para sa mga mamimiling Pilipino.
Binigyang-pugay din ng kalihim ang mga poultry growers, magsasaka, processing personnel, warehouse workers, at iba pang bahagi ng poultry value chain na may mahalagang papel sa paghahatid ng pagkain mula sa bukid hanggang sa hapag ng bawat pamilya.
Dagdag pa niya, inaasahang makalilikha ang proyekto ng humigit-kumulang 400 direktang trabaho, na magbibigay ng kabuhayan sa maraming pamilya at makatutulong sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya.
Iginiit ni Laurel ang patuloy na suporta ng Department of Agriculture sa mga inisyatibong nagtataguyod ng modernisasyon ng agrikultura, food security, at paglikha ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino.
Itinuturing ang pagbubukas ng ART Fresh Chicken Corporation Poultry Dressing Plant bilang isang mahalagang hakbang sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at pagkain sa bansa, na nagpapakita ng pagtutulungan ng pribadong sektor at pamahalaan upang matiyak ang sapat, ligtas, at dekalidad na suplay ng pagkain para sa mga Pilipino.(Mhadz)
Comments
Post a Comment