Maliwat Pickle Yard, Pormal nang Binuksan sa Sta. Cruz; Wellness at Aktibong Pamumuhay Isinusulong

Maliwat Pickle Yard, Pormal nang Binuksan sa Sta. Cruz; Wellness at Aktibong Pamumuhay Isinusulong



STA. CRUZ, Laguna — Isang bagong destinasyon para sa mga mahilig sa pickleball ang pormal na nagbukas sa Brgy. Bubukal, Sta. Cruz, Laguna sa paglulunsad ng Maliwat Pickle Yard, isang world-class pickleball facility na nagtatampok ng anim na premium courts para sa mga manlalaro ng lahat ng antas.

Pinangunahan nina Owner Ms. Mayda Maliwat at Ms. Grace Edra ang pagbubukas ng pasilidad na naglalayong isulong ang wellness, aktibong pamumuhay, at pagkakaisa ng komunidad sa pamamagitan ng mabilis na sumisikat na sport na pickleball.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Maliwat na ang pagtatatag ng Maliwat Pickle Yard ay bahagi ng kanilang adhikain na hikayatin ang mas maraming mamamayan na maging aktibo at pangalagaan ang kanilang kalusugan.

"Alam naman natin na napaka in-demand ngayon ng pickleball. Isinama namin ito sa aming wellness program dahil kapag fit ang ating katawan, mas nagiging healthy tayo," ani Maliwat.

Binigyang-diin din niya na ang pickleball ay hindi lamang isang laro kundi isang paraan upang mapatatag ang samahan at pakikipagkapwa.

"Hindi lang ito para maglaro, kundi para magkaroon ng maayos na samahan at pakikipagkapwa sa bawat isa," dagdag niya.

Ayon pa kay Maliwat, bukas ang Maliwat Pickle Yard sa lahat at hindi kinakailangang maging miyembro upang makagamit ng mga court. May kaukulang rental fee lamang sa paggamit ng pasilidad, na bukas mula Lunes hanggang Linggo, mula umaga hanggang gabi.

Isa sa mga tampok ng pasilidad ang pagkakaroon ng in-house coach na handang magturo sa mga baguhan o nais pa lamang matutunan ang larong pickleball.

"Kahit beginners ay welcome na welcome rito. Mayroon tayong in-house coach na gagabay at magtuturo sa mga nais matutong maglaro," pahayag ni Maliwat.

Dumalo rin sa pagbubukas ng Maliwat Pickle Yard ang ilang opisyal ng pamahalaan at mga kilalang personalidad, kabilang sina Sta. Cruz Mayor Benjo Agarao, Laguna Board Member Arvin Manguiat, Pila Mayor Atty. Queen Alarva, Sta. Maria Councilor Wennie Jude Nipay, at mga artista na sina Diana Zubiri, Vin Abrenica, at Eric Fructuoso.

Sa pagtatapos ng programa, inimbitahan nina Maliwat at Edra ang mga residente ng Laguna at mga karatig-lalawigan na maranasan ang de-kalidad na pasilidad ng Maliwat Pickle Yard.

"Hindi na kailangang bumiyahe nang malayo para makapaglaro sa premium pickleball courts. Nandito na kami sa Brgy. Bubukal, Sta. Cruz, Laguna. Bukas kami para sa lahat—mula sa beginners hanggang sa mga bihasang manlalaro."

Para sa iba pang impormasyon, iskedyul ng laro, court reservations, at mga paparating na aktibidad, maaaring bisitahin ang Maliwat Pickle Yard Facebook Page.

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course