Dating Barangay Chairman Arnold "POH" Ligaya, Ipinagpapatuloy ang Serbisyo sa mga Kabarangay
Dating Barangay Chairman Arnold "POH" Ligaya, Ipinagpapatuloy ang Serbisyo sa mga Kabarangay
San Pablo City, Laguna— Patuloy pa rin ang pagtulong ni dating Barangay Chairman Arnold “POH” Ligaya ng Barangay San Francisco-Calihan sa kanyang mga kabarangay kahit wala na siya sa posisyon bilang barangay chairman.
Sa panayam, sinabi ni Ligaya na nakaugat sa kanyang matagal na karanasan sa paglilingkod ang pagpapatuloy ng mga programang nakatuon sa pagtulong sa mga pamilyang nangangailangan, partikular sa mga usapin ng indigency o mga residente na nangangailangan ng agarang suporta.
Ayon kay Ligaya, hindi natatapos sa panunungkulan ang kanyang hangaring makatulong. Kasama ang kanyang pamilya at mga katuwang, patuloy umano siyang nakikibahagi sa mga gawaing makatutulong sa komunidad, kabilang ang pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa barangay.
Isa rin sa mga binigyang-diin niya ang problema sa basura at regular na paghahakot nito. Aniya, noong kanyang panahon bilang barangay chairman ay kabilang sa mga serbisyong kanyang isinulong ang paghahakot ng basura upang mapanatiling malinis ang kapaligiran.
“Lagi kong sinasabi, totoo po tayo sa indigency, lalo na sa pakikipagtulungan, at sa paglilinis ng ating barangay,” pahayag ni Ligaya.
Bukod sa kalinisan at serbisyong panlipunan, binigyang-pansin din ni Ligaya ang kapakanan ng kabataan. Aniya, mahalagang mabigyan ang mga kabataan ng mga makabuluhang aktibidad at sapat na atensyon upang mailayo sila sa masasamang bisyo at iba pang hindi kanais-nais na gawain, kabilang ang paggamit ng ilegal na droga.
Para kay Ligaya, mahalagang magkaroon ng mga programang nagbibigay sa kabataan ng pagkakataong maging aktibo at produktibo sa kanilang komunidad.
Samantala, sinabi rin niya na patuloy nilang tinutugunan ang pangangailangan para sa mas maayos na waste management sa lugar, kabilang ang pagdaragdag ng manpower upang mapabilis ang paghahakot ng basura at maiwasan ang pagtatambak nito sa mga lansangan.
Sa kabila ng pagiging dating opisyal ng barangay, iginiit ni Ligaya na mananatili siyang katuwang ng kanyang mga kabarangay.
“Ang serbisyo po ay hindi dapat natatapos dahil lamang sa pagkawala ng posisyon,” pahiwatig ng dating chairman, habang nanawagan sa mga residente na patuloy na magkaisa para sa isang malinis, maliwanag at maayos na Barangay San Francisco-Calihan.
Comments
Post a Comment