HIGIT 1,600 ANG NAGING BENEPISYARYO NG MEDICAL-DENTAL MISSION SA VICTORIA

HIGIT 1,600 ANG NAGING BENEPISYARYO NG MEDICAL-DENTAL MISSION SA VICTORIA

VICTORIA, LAGUNA — (August 8,2026) Higit 1,600 residente ang nakinabang sa libreng Medical at Dental Mission na isinagawa sa Bayan ng Victoria sa pagtutulungan ng tanggapan ni Laguna 3rd District Representative Loreto “Amben” Amante at ng Pamahalaang Bayan ng Victoria.

Tampok sa programa ang libreng medical check-up, laboratory tests, ultrasound, ECG, X-ray gamot at dental services kabilang ang libreng pagpapabunot ng ngipin, na naglalayong mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan, lalo na sa mga pamilyang kapos sa buhay.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Cong. Amante ang kahalagahan ng kalusugan at maagap na pagpapagamot, lalo na para sa mga pamilyang kadalasang inuuna ang pagkain, edukasyon, kuryente, tubig at iba pang pangunahing pangangailangan kaysa pagpapatingin sa doktor.
Aniya, hindi dapat maging hadlang ang kahirapan upang mapabayaan ang kalusugan.

Ibinahagi rin ng kongresista ang personal na karanasan ng kanilang pamilya na nagsilbing inspirasyon sa pagpapatuloy ng mga programang pangkalusugan. Ayon kay Amante, labindalawa sana silang magkakapatid ngunit anim na lamang ang nabubuhay matapos pumanaw ang ilan sa kanyang mga kapatid dahil sa mga karamdaman na hindi agad nabigyan ng sapat na lunas.
Dahil dito, sinabi niyang nais niyang makatulong upang hindi maranasan ng ibang mahihirap na pamilya ang sinapit ng kanilang pamilya.

“Health is wealth,” ani Amante, habang hinihikayat ang mga residente na huwag ipagwalang-bahala ang kanilang kalusugan at samantalahin ang mga libreng serbisyong inilalapit sa komunidad.

Kabilang sa mga dumalo sa aktibidad si Victoria Mayor Dwight Campitan na kinatawan ni Municipal Administrator Katleen Campitan, at Vice Mayor RJ Campitan, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan at Liga ng mga Barangay.

Dumalo rin si Ma’am Elsa Aura Pleto, principal ng Victoria Elementary School; Medical Health Director Dr. Olga Virtusio; President ng Parañaque Dental Association Dr. Darryl Martinez; mga doktor at dental professionals, gayundin ang mga kinatawan ng Smile Party List, na katuwang sa medical mission.

Ayon kay Amante, taun-taon nilang isinasagawa ang medical at dental mission sa mga bayan ng Third District of Laguna upang mas mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan.

Sa pamamagitan ng libreng laboratory tests, kabilang ang pagsusuri para sa blood sugar, creatinine, uric acid at cholesterol, layunin ng programa na makatulong sa maagang pagtukoy ng mga posibleng karamdaman. Mayroon ding libreng gamot para sa mga pasyenteng nangangailangan.

Samantala, inihayag din ni Amante ang planong pagsasaayos sa covered court na katabi ng munisipyo, kabilang ang paglalagay ng air-conditioning system at pagpapaganda ng flooring upang maging mas komportable itong gamitin ng mga residente, kabataan at senior citizens.

Nagpasalamat naman ang kongresista sa pamahalaang bayan ng Victoria at sa mga mamamayan sa kanilang patuloy na suporta at pakikiisa sa mga programang naglalayong mapabuti ang kalusugan at kapakanan ng komunidad.

Tiniyak ni Amante na patuloy niyang magiging katuwang ang mga lokal na pamahalaan sa Third District of Laguna sa paghahatid ng mga serbisyong kinakailangan ng mga mamamayan, lalo na sa usapin ng kalusugan.

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course