Laguna Gob. Sol Aragones inilatag ang malawakang programang pangkalusugan, kabuhayan at imprastraktura sa SOPA

 Laguna Gob. Sol Aragones inilatag ang malawakang programang pangkalusugan, kabuhayan at imprastraktura sa SOPA


STA. CRUZ, Laguna — Inilatag ni Laguna Governor Sol Aragones ang mga pangunahing programa at proyektong ipatutupad ng Pamahalaang Panlalawigan hanggang 2027, kabilang ang pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan, pagpapaunlad ng kabuhayan, pagpapalakas ng turismo, modernisasyon ng mga ospital, at pagpapahusay ng disaster response system sa kanyang State of the Province Address (SOPA).




Isa sa mga pangunahing inihayag ng gobernador ang pagtatayo ng Laguna Mega Clinic, isang ambulatory o outpatient care facility na target na mabuksan bago matapos ang 2027. Ayon kay Aragones, layunin nitong mabawasan ang pagsisikip sa mga ospital at mailapit ang dekalidad na serbisyong medikal sa mga residente ng lalawigan.

Kasabay nito, sinabi niyang palalawakin pa ang libreng serbisyong pangkalusugan, kabilang ang maintenance medicines para sa diabetes, hypertension, sakit sa puso at iba pang karaniwang karamdaman, gayundin ang libreng laboratory services, dialysis at chemotherapy.

Inanunsyo rin ng gobernador ang patuloy na modernisasyon ng mga provincial hospital sa pamamagitan ng pagdaragdag ng MRI, CT scan, ventilators, incubators at iba pang makabagong kagamitang medikal upang mapataas ang antas ng serbisyong ibinibigay sa publiko.

Sa sektor ng kabuhayan, inihayag ni Aragones ang pagtatayo ng kauna-unahang Laguna Pasalubong Center, na popondohan ng mahigit ?200 milyon. Layunin nitong magkaroon ng permanenteng pamilihan para sa mga produktong gawa ng mga Lagunense, lumikha ng dagdag na hanapbuhay, at higit pang mapaunlad ang turismo sa lalawigan.


Palalawakin din ng pamahalaang panlalawigan ang mga livelihood program sa mga bayan sa Laguna. Bukod sa pagbibigay ng pagsasanay, magkakaloob din ng puhunan sa mga benepisyaryo upang makapagsimula ng sariling kabuhayan.

Para naman sa mga magsasaka at mangingisda, ilulunsad ang Laguna Village, na magsisilbing sentro ng bentahan ng kanilang mga produkto upang mapalawak ang kanilang merkado at madagdagan ang kanilang kita.

Bahagi rin ng mga planong pangturismo ang pagpapaunlad ng Lumban River Cruise at pagkakaroon ng Festival of Falls, na inaasahang lilikha ng karagdagang hanapbuhay para sa mga bangkero at mga komunidad sa paligid ng ilog.

Sa larangan ng imprastraktura, sinabi ni Aragones na prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagsasaayos at pagpapagawa ng mga pangunahing kalsada patungo sa mga tourist destination, paglalagay ng solar-powered street lights, at pagpapatuloy ng iba pang infrastructure projects sa iba't ibang bahagi ng lalawigan.

Sa usapin ng disaster preparedness, inihayag ng gobernador ang pagtatayo ng Laguna Command Center, na magkakaroon ng integrated monitoring system, libu-libong CCTV cameras, at sariling weather monitoring capability upang mapabilis ang pagtugon sa mga kalamidad, aksidente at iba pang emergency.

Sa sektor ng edukasyon, ipagpapatuloy ng pamahalaang panlalawigan ang pagtatayo ng mga bagong silid-aralan sa pakikipagtulungan sa Department of Education. Magkakaroon din ng malawakang reporma sa Laguna University, kabilang ang pagbibigay ng karagdagang educational allowance sa humigit-kumulang 5,000 estudyante simula sa unang semestre ng 2027 at pagpapalawak ng scholarship program.

Nagpahayag din si Aragones ng suporta sa mga empleyado ng Kapitolyo sa pamamagitan ng pag-aaral sa posibilidad ng paglikha ng karagdagang plantilla positions para sa mga matagal nang contractual at job order workers.




Bilang pangmatagalang layunin, sinabi ng gobernador na nais niyang magkaroon ang Laguna ng isang modernong emergency medical response system na maihahalintulad sa "911" service upang mas mabilis na makapagresponde ang mga ambulansya sa mga nangangailangan ng agarang tulong.

"Hindi tayo titigil sa paghahatid ng serbisyong magpapagaan sa buhay ng bawat Lagunense," ani Aragones, habang binibigyang-diin ang patuloy na pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa kalusugan, kabuhayan, edukasyon, turismo at kaunlaran ng lalawigan (Mhadz)

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course