Liliw Horse Owners Association, Nagsagawa ng Ikalawang Horse Show sa Liliw
Liliw Horse Owners Association, Nagsagawa ng Ikalawang Horse Show sa Liliw
Liliw, Laguna— Muling ipinamalas ng mga horse owner sa bayan ng Liliw ang kanilang pagmamahal at pag-aalaga sa mga kabayo sa isinagawang ikalawang Horse Show ng Liliw Horse Owners Association (LHOA) ngayong araw ika-Agosto 17, 2026.
Tampok sa programa ang pagpaparada ng mga kabayong nilagyan ng makukulay at kaakit-akit na palamuti, gayundin ang isang talent show kung saan ipinakita ng mga kalahok ang kanilang husay at kakayahan kasama ang kanilang mga alagang kabayo.
May kabuuang 13 kalahok ang lumahok sa horse show, habang nasa 53 miyembro ang LHOA.
Bahagi rin ng aktibidad ang libreng deworming at pamamahagi ng vitamins para sa mga kabayo, sa pangunguna ni OIC Municipal Agriculturist Kennard Moñosca, bilang suporta sa kalusugan at kapakanan ng mga alagang hayop.
Naging posible ang programa sa pakikipagtulungan ng Liliw Municipal Government sa pangunguna ni Mayor Ildefonso Monleon, gayundin sa suporta nina Laguna Governor Sol Aragones at Vice Governor Atty. JM Carait.
Ayon kay LHOA President Faustino Viriña, layunin ng kanilang samahan na maipakita ang kalidad at ganda ng kanilang mga alagang kabayo, gayundin na maipakilala na bukod sa tanyag na industriya ng tsinelas, mayroon ding ibang maipagmamalaki ang bayan ng Liliw—ang magaganda at kaakit-akit na mga kabayo.
“Nais naming maipakita ang kalidad ng aming mga alagang kabayo at makilala rin na sa Liliw, bukod sa mga tsinelas, mayroon din kaming magaganda at nakakaaliw na mga kabayo,” pahayag ni Viriña.
Pinangunahan ng mga opisyal ng LHOA ang pagpapatupad ng programa. Kabilang sa mga opisyal sina Faustino Viriña, Pangulo; Hernan Hernandez, Pangalawang Pangulo; Rowel Paolo Dimacuha, Kalihim; Albert Tarapan, Ingat-Yaman; Bernardo Agulto at Marlon Calabon, PRO; at Rommel Esmeria at Eric Duller, Auditor.
Sa pamamagitan ng naturang aktibidad, inaasahang mas mapapalakas pa ang pagkakaisa ng mga horse owner sa Liliw at mahikayat ang publiko na higit na pahalagahan ang pag-aalaga, pangangalaga at responsableng pagmamay-ari ng mga kabayo.
Comments
Post a Comment