Tahanan ng mga paboritong gawang-bahay
Tahanan ng mga paboritong gawang-bahay
Isa sa mga pinakapopular na produkto ni Sahlee ay ang kaniyang gawang-bahay na siomai na paborito rin ng karamihan sa kaniyang mga kustomer.
Sa bilis ng takbo ng panahon ngayon, mas hinahanap ng tao ang mga pagkaing praktikal at madaling iluto katulad ng mga frozen food. Bukod sa nakababawas ito sa oras at gastos sa pagluluto, hindi rin ito madaling mapanis, kaya naman naitatabi pa ito nang mahabang panahon.
Taong 2000 noong pinasok ni Sahlee Quizon, mula sa Sta. Cruz, Laguna, ang paggawa ng mga frozen food. Ang pinakauna niyang produkto ay boneless na bangus. Kilala ang isdang bangus sa pagiging matinik, at ang tinik na ito ang muntik nang kumuha sa buhay ni Sahlee noong minsan siyang nabilaukan. Naroon man ang takot, dito niya rin nakuha ang inspirasyon na gumawa ng boneless bangus.
Sampung taon nang nagtatrabaho si Sahlee sa ibat ibang kumpanya, ngunit napatunayan niya na iba pa rin ang saya kapag may sarili kang negosyo at hawak mo ang sarili mong oras.
Pagdating kasi sa negosyo, umaga pa lang mayroon ka nang pera; kumbaga, hindi mo na kailangang hintayin ang kinsenas at katapusan, basta masipag ka, araw-araw kang kikita.
Upang mas marami pang mamimili ang makakilala sa kaniyang mga produkto, ginamit niya ang social media upang mag-post online. Dahil sa internet, bukod sa mga kustomer ay nakakuha rin siya ng mga reseller.
Sa ngayon, mayroon siyang apat na reseller na katuwang niya sa pagbebenta. Sa paglipas ng panahon, hindi na lamang boneless na bangus ang kaniyang ibinebenta; sinimulan na rin niyang gumawa ng mga gawang-bahay na tocino, longganisa, shanghai, embutido, chicken inasal, barbecue, at siomai.
Habang lumalago ang kaniyang negosyo, hindi rin maiiwasan na magkaroon siya ng mga kakumpetensya. Ganoon pa man, hindi natinag si Sahlee dahil naniniwala siya na sa huli, kalidad pa rin ng produkto ang hahanapin ng mga tao.
Araw-araw ay umaabot sa 60 kilong karne at 20 kilong bangus ang ginagawa niya. Bugbog man ang katawan sa trabaho, pinipili pa rin niyang gawin ito nang mag-isa dahil ayaw niyang may mabago sa kalidad at lasa ng kaniyang produkto.
Para kay Sahlee, ang sikreto ng isang matagumpay na negosyo ay kumbinasyon ng sipag at tiyaga.
Sa simula, may mga pagkakataon na hindi lahat ng produkto ay maibebenta sa isang araw, pero darating yung panahon na babalik-balikan ito ng customers mo, saad niya.
Pinansyal na suporta mula sa bangko
Taong 2013, naging kliyente siya ng CARD MRI Rizal Bank Inc. (CARD RBI), isang microfinance-oriented rural bank sa ilalim ng CARD MRI. Sa loob ng halos 13 taon, ang CARD RBI ang naging katuwang niya sa pagtataguyod ng kaniyang pamilya at kabuhayan. Sa tulong din ng bangko, nakahiram siya ng pera para sa edukasyon ng kaniyang mga anak, nakapagpagawa ng bahay, at nagkaroon ng karagdagang kapital para sa kaniyang negosyo noong 2020.
Sa kasalukuyan ay mayroon siyang hiniram na PHP 95,000.00 na ginagamit niya bilang pandagdag na kapital sa kaniyang negosyo.
Sa pamamagitan ng kaniyang negosyo, naitaguyod niya ang pag-aaral ng kaniyang limang anak; tatlo sa kanila ay ganap nang mga propesyonal, habang ang dalawang pinakabata naman ay kasalukuyang nasa kolehiyo.
Hanggang ngayon, ginagamit pa rin niya ang internet upang i-post ang kaniyang mga produkto online bilang bahagi ng kaniyang marketing strategy. Umaasa at determinado si Sahlee na sa mga susunod na taon ay mas mapalalago pa niya ang kaniyang negosyo. (Josephine Ramos)

Comments
Post a Comment