CaMIA, ipinagdiwang ang ika-19 na taon ng paglilingkod at pagbibigay-proteksyon sa pamilyang
CaMIA, ipinagdiwang ang ika-19 na taon ng paglilingkod at pagbibigay-proteksyon sa pamilyang
Mga opisyal at kawani ng CaMIA, kasama ang iba pang lider ng CARD MRI, sa kanilang pagsasama-sama sa isang Misa ng Pasasalamat upang ipagdiwang ang ika-19 na taon ng paghahatid ng maaasahang mga produktong microinsurance sa mga pamilyang Pilipino sa buong bansa.
Ipinagdiwang ng CARD MRI Insurance Agency (CaMIA), isa sa mga sangay na institusyon ng CARD Mutually Reinforcing Institutions (CARD MRI), ang ika-19 na anibersaryo ng pagbibigay-seguridad sa buhay ng pamilyang Pilipino noong Agosto 4, 2026.
“Bilang insurance arm ng CARD MRI, layunin naming bumuo ng matatag na mga komunidad at magsilbing sandigan ng lahat. Sinisigurado namin na nauunawaan ng bawat miyembro at ng kanilang pamilya ang halaga ng insurance para kapag may dumating na mga pagsubok, mas handa silang humarap at makabangon,” saad ni Vener S. Abellera, ang pangulo at general manager ng CaMIA.
Sa loob ng halos dalawang dekada, inilaan ng CaMIA ang serbisyo nito sa pagprotekta sa pamilyang Pilipino. Hanggang noong Hunyo 2026, nakapag-isyu na ito ng 2,418,051 insurance policy na nagkakahalaga ng PHP 1,708,989,457 at nakapagbayad ng 135,937 claims na nagkakahalaga ng PHP 648,183,503.
“Sa mga nagdaang taon, ipinagmamalaki namin na nabigyan namin ng seguridad ang milyon-milyong tao sa oras ng pangangailangan sa pamamagitan ng abot-kayang life at non-life microinsurance products,” saad ni Abellera. “Patuloy kaming mabilis na tutugon tuwing kailangan kami ng aming mga kliyente,” dagdag pa niya.
Ang CaMIA ang nagsisilbing insurance agency para sa mga produktong life, non-life microinsurance, at traditional insurance. Kasama ang iba pang institusyon ng CARD MRI, ipagpapatuloy ng CaMIA ang papel nito sa pagbuo ng isang matatag na bansa sa gitna ng mga pagsubok sa buhay.(Edrian B. Banania)
Comments
Post a Comment