CARD, Inc., ginawaran ng Microfinance Impact Maker Award para sa pagbibigay akses sa solar power sa mga komunidad
CARD, Inc., ginawaran ng Microfinance Impact Maker Award para sa pagbibigay akses sa
solar power sa mga komunidad
Si CARD, Inc. Executive Director Vicente Briones Jr. (gitna, pang-anim mula sa kanan) habang tinatanggap ang Microfinance Impact Maker Award para sa CARD Inc sa 9th Annual Hybrid Impact Network Fellowship & Recognition Night.
Pinarangalan ng Hybrid Social Solutions ang CARD, Inc. (A Microfinance NGO) bilang
Microfinance Impact Maker Award noong ika-12 ng Agosto, 2026 para sa pagbibigay-akses nito sa maasahang ilaw at enerhiya sa 148,867 katao mula Agosto, 2025 hanggang Hulyo, 2026. Nag-aalok ang CARD, Inc. ng Solar Loan program na nagbibigay-daan sa mga kliyente nito na makabili ng mga produktong solar mula sa Hybrid Social Solutions para sa kanilang mga pang-araw-araw na gawain sa tahanan at sa negosyo.
Sa pamamagitan ng loan na ito, nagkaroon ng akses sa clean energy solutions ang mga kliyente sa iba’t ibang bahagi ng bansa, partikular sa Isabela, Laguna, Quezon, Mindoro, Palawan, Romblon, Bicol, Samar, Leyte, Negros, Iloilo, Aklan, Antique, Cebu, at Davao del Sur.
Ang paggamit ng solar energy ay nakatutulong sa mga kliyenteng gumagamit ng lamparang
kerosene upang mapalitan ito ng mas ligtas na ilaw, na nakababawas sa panganib ng
pagkasunog at mga posibleng sakit sa baga. Bukod dito, nakatutulong din ang mga solar kit sa pagbawas ng gastos sa kuryente habang sumusuporta sa paggamit ng sustainable energy.Ibinahagi ni CARD, Inc. Executive Director Vicente Briones Jr. ang kaniyang pananaw tungkol sa serbisyong ito ng institusyon. “Masaya kami sa bunga ng aming solar loan. Natupad ang aming
layunin na matulungan ang aming mga kliyente sa pagbili ng mga solar device. Dahil dito,
nagkaroon sila ng akses sa malinis at sustainable na enerhiya,” saad niya.
Bukod sa parangal na natanggap ng institusyon, kinilala rin ng Hybrid Social Solutions ang mga unit office ng CARD, Inc. bilang Impact Maker Awards 2026 (Unit Category). Nakamit ng mga unit
ng Aborlan 1 at Culion 1 sa Palawan ang una at ikalawang puwesto, habang ang unit ng Sablayan 3 sa Occidental Mindoro naman ang nagkamit ng ikatlong puwesto.
Sa ginanap na 9th Annual Hybrid Impact Network Fellowship & Recognition Night sa Malate, Metro Manila, tinanggap ni CARD, Inc. Executive Director Vicente Briones Jr. ang parangal, kasama ang mga regional director na nangangasiwa sa mga naparangalang unit.(Jireh Pearl Casionan )
Comments
Post a Comment