Forefront ni Mhadz Marasigan: Kahanga-hanga Ka sa Paningin ng Diyos

 Forefront ni Mhadz Marasigan: Kahanga-hanga Ka sa Paningin ng Diyos


Sa mundong puno ng paghahambing at kompetisyon, madaling makalimutan ng tao ang kanyang tunay na halaga. Marami ang naghahanap ng pagkilala sa tagumpay, kayamanan, o popularidad. Ngunit ang tanong ay nananatili: Saan ba talaga nakasalalay ang ating halaga?

Simple ngunit napakalalim ng sagot ng Biblia. Ang bawat tao ay nilikha sa wangis ng Diyos (Genesis 1:27). Ibig sabihin, walang sinuman ang walang halaga. Mula pa sa simula, itinuring na ng Diyos na natatangi at mahalaga ang bawat buhay.

Hindi lamang tayo nilikha ng Diyos. Siya rin ang nagbigay sa atin ng hininga ng buhay (Genesis 2:7). Ang bawat araw na ating ginigisingan ay paalala na ang ating buhay ay regalo ng Maykapal. At sa mga sumasampalataya sa Kanya, ang Banal na Espiritu ang nananahan sa ating puso (1 Corinto 3:16).

Kaya’t hindi kataka-takang sinabi ng salmista, “Ako’y ginawa na may takot at kagila-gilalas na paraan” (Awit 139:14). Ang ating halaga ay hindi nakabatay sa sinasabi ng ibang tao. Hindi ito nasusukat ng estado sa buhay, edad, anyo, o tagumpay. Ang ating tunay na halaga ay nakaugat sa pag-ibig ng Diyos.

Ang pinakadakilang patunay ng pag-ibig na ito ay si Hesukristo. Kahit tayo ay makasalanan pa, ibinigay ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas (Juan 3:16; Roma 5:8). Ipinapakita nito na hindi tayo minahal ng Diyos dahil karapat-dapat tayo, kundi dahil likas Siyang mapagmahal.

Kung alam nating napakahalaga natin sa Diyos, paano tayo dapat mamuhay?

Una, gamitin natin ang ating buhay upang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos. Ang ating mga salita at gawa ay dapat maging salamin ng Kanyang kabutihan. Hindi tayo nilikha upang itaas ang ating sarili, kundi upang ituro ang iba sa Maykapal.

Ikalawa, gampanan natin ang layuning inilaan ng Diyos para sa atin. Bawat isa ay may talento, kakayahan, at misyong dapat tuparin. Ang mga biyayang ito ay hindi para sa pansariling kapakinabangan lamang, kundi upang maging pagpapala sa kapwa.

Ikatlo, igalang natin ang ating sarili. Ang taong kinikilala ang kanyang halaga sa Diyos ay hindi kailangang magpasikat o makipagpaligsahan. May kapanatagan siyang alam niyang siya ay mahal at tinanggap ng Panginoon.

At panghuli, pahalagahan natin ang ating kapwa. Kung ang bawat tao ay nilikha sa wangis ng Diyos, wala tayong karapatang maliitin o apihin ang sinuman. Sa halip, pairalin natin ang paggalang, kababaang-loob, at pagmamahal. Tulad ng sinabi ni Jesus, “Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyong gawin nila sa inyo.” (Lucas 6:31)

Sa huli, ang tunay na kapangyarihang nasa atin ay hindi nagmumula sa ating sariling lakas. Ito ay nagmumula sa Diyos na lumikha, nagmamahal, at patuloy na gumagabay sa atin.

Kapag ito ang ating pinanghawakan, hindi lamang natin matatagpuan ang ating tunay na halagamagiging daan din tayo upang maranasan ng iba ang pag-ibig at kabutihan ng Diyos.


Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course