Mental health ng kabataan tampok sa ‘Mind Your Mind, Young Champions!’ forum sa Calamba
Mental health ng kabataan tampok sa ‘Mind Your Mind, Young Champions!’ forum sa Calamba
CALAMBA CITY, Laguna — Mahigit 600 kabataan mula sa mga pampubliko at pribadong senior high school at kolehiyo sa lungsod ang nakiisa sa “Mind Your Mind, Young Champions! A Mental Health Wellness Forum” na isinagawa noong Setyembre 18 sa Rizal Coliseum, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Distrito ng Calamba.
Pinangunahan ni Calamba Lone District Rep. Charisse Ann “Cha” Hernandez ang programa katuwang ang Philippine Mental Health Association (PMHA), na naglalayong palawakin ang kamalayan ng kabataan tungkol sa mental health at hikayatin silang maging bahagi ng isang komunidad na marunong makinig, umunawa at tumulong.
Isa sa mga tampok ng programa ang symbolic Memorandum of Agreement (MOA) signing sa pagitan ng PMHA at ng Office of the Lone District of Calamba bilang bahagi ng pagtutulungan para sa mga programang may kaugnayan sa mental health.
Sa kanyang mensahe, hinimok ni Hernandez ang mga kabataan na maging “young champions” sa pagpapalaganap ng pagmamahal at malasakit, lalo na sa kanilang mga kaibigan at kaklaseng maaaring may pinagdaraanan.
“Today, ang goal ko talaga, guys, kayo ang magiging young champions,” pahayag ni Hernandez.
Binigyang-diin ng kongresista ang kahalagahan ng pagkilala at pagtugon sa mga usapin ng depression, anxiety at suicide, at ang pangangailangang magkaroon ng mga taong handang makinig at umalalay sa mga nakararanas ng emosyonal na paghihirap.
Hinimok niya ang mga kabataan na magsimula sa simpleng pagtatanong sa kanilang kaibigan o kaklase ng, “Kumusta ka?”
Ayon kay Hernandez, maaaring hindi nakikita sa panlabas na anyo ang pinagdaraanan ng isang tao kaya mahalagang maging sensitibo at mapagmatyag sa kalagayan ng kapwa.
Nagbahagi rin siya ng personal na karanasan noong kanyang kabataan, kabilang ang isang panahong nakaranas siya ng emosyonal na paghihirap. Ikinuwento niya kung paano naging mahalaga ang suporta ng kanyang ina sa panahong iyon.
“Naramdaman ko mahal na mahal niya ako kahit may ginawa akong mali,” ani Hernandez, na iniugnay ang karanasan sa kanyang pananampalataya at paniniwala sa pagmamahal ng Diyos.
Para kay Hernandez, mahalagang malaman ng mga kabataan na hindi nila kailangang harapin nang mag-isa ang kanilang mga problema at may mga taong handang makinig at tumulong.
“Because you matter to me, and one life, Calamba, matters so much,” aniya.
Hinimok din niya ang mga kalahok na maging mas sensitibo sa kanilang mga kaibigan, kaklase at kapamilya at huwag mag-atubiling kumustahin ang isang taong napapansing may pinagdaraanan.
“Let's be sensitive, let's be extra caring,” dagdag niya.
Tinalakay rin sa programa ang epekto ng social media sa mental health ng kabataan, partikular ang mabilis na pagkalat ng balita at impormasyon na maaaring maglantad sa kanila sa iba't ibang nakababahalang pangyayari at usapin.
Bilang bahagi ng call to action, isinagawa rin ang “I Am Loved” wristband wearing kasama si Hernandez, na nagsilbing simbolikong paalala sa mga kabataan na sila ay mahalaga at may halaga.
Kabilang sa mga naging tagapagsalita sa forum si Maxene Magalona, gayundin sina Ptr. Ken at Dr. Benny Guillermo, at Garl Guevarra at Chael Adriano ng The Juan.
Nagbigay rin ng mensahe sina PMHA President Architect Mariano Arce Jr. at PMHA National Executive Director Dr. Carolina Uno-Rayco, ROC, RPsy at Calamba Vice Mayor Totie Lazaro.
Sa pamamagitan ng forum, layunin ng mga organizer na mahikayat ang kabataan na maging aktibong bahagi sa pagbuo ng isang mas maalaga at suportadong komunidad, kung saan mas madaling makalapit ang mga nangangailangan ng tulong.
Binigyang-diin ni Hernandez na ang pagpapalaganap ng malasakit ay maaaring magsimula sa simpleng pakikinig, pagkumusta at pagpapaalala sa isang tao na hindi siya nag-iisa.
“May nagmamahal sayo,” mensahe ni Hernandez sa mga kabataan.
Comments
Post a Comment