Mga Kawani ng Santa Rosa, Pinarangalan sa 126th Civil Service Month

 Mga Kawani ng Santa Rosa, Pinarangalan sa 126th Civil Service Month


SANTA ROSA CITY, LAGUNA — Pinarangalan ng Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa ang mga kawani na nagpakita ng katapatan, integridad at mahusay na serbisyo publiko sa isinagawang Flag Raising Ceremony noong Setyembre 14, 2026 sa City Hall Grounds.

Pinangunahan nina Mayor Arlene B. Arcillas at Vice Mayor Arnold B. Arcillas ang pagkilala sa mga kawani bilang bahagi ng pagdiriwang ng 126th Civil Service Month.

Dalawampung kawani ang ginawaran ng Huwarang Kawani sa Katapatan (Honesty Award) dahil sa kanilang ipinakitang integridad sa pagtupad ng tungkulin. Kabilang sa mga bagay na kanilang isinauli ang perang natagpuan, mahahalagang dokumento, cellphone, wallet, ATM card, susi at iba pang personal na gamit.

Samantala, 17 kawani naman ang tumanggap ng Certificate of Appreciation bilang pagkilala sa kanilang mahusay, maagap, maasikaso at makataong paglilingkod sa mga kliyente at mamamayan.

Isinagawa rin sa seremonya ang Signing of Commitment Wall, kung saan lumagda sina Mayor Arlene, Vice Mayor Arnold, mga konsehal ng lungsod, mga pinuno ng departamento at mga kawani ng Civil Service Commission (CSC) bilang pagpapakita ng kanilang pangako sa pagpapanatili ng integridad, propesyonalismo at kahusayan sa serbisyo publiko.

Nakiisa rin sa aktibidad ang mga kinatawan ng CSC, sa pangunguna nina CSC Field Office Laguna Special Investigator IV Melania DB. Guanzon at Former Director Charity F. Arevalo.

Bahagi ang mga aktibidad ng pagdiriwang ng Civil Service Month na nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng mga kawani ng pamahalaan sa paghahatid ng tapat, mahusay at makataong serbisyo sa publiko.

Sa pamamagitan ng pagkilala sa mga huwarang kawani, binigyang-diin ng Pamahalaang Lungsod ng Santa Rosa ang kahalagahan ng katapatan, propesyonalismo at malasakit bilang mga pangunahing pagpapahalaga sa serbisyo publiko.(Mhadz/CIO-Santa Rosa)

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course