Pagsanjan, Ideklarang Ligtas Sa Ammonia Matapos Ang Masusing Pagsusuri Sa Nagsarang Ice Plant
Pagsanjan, Ideklarang Ligtas Sa Ammonia Matapos Ang Masusing Pagsusuri Sa Nagsarang Ice Plant
Pagsanjan, Laguna - Idineklarang ligtas sa kemikal ang komunidad na malapit sa isang nagsarang ice plant sa Barangay Poblacion Dos matapos isagawa ang masusing pagsusuri at ammonia gas detection ng mga awtoridad noong Agosto 21, 2026.
Pinangunahan ni Pagsanjan Mayor Januario Ferry “Jan” G. Garcia ang koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya bago isinagawa ang operasyon upang matukoy kung mayroon pang natitirang liquid ammonia sa pasilidad.
Kasama sa isinagawang pagsusuri ang mga kinatawan ng Office of the Mayor, Office of the Municipal Administrator, Office of Civil Defense (OCD), OCD CALABARZON, Bureau of Fire Protection (BFP), Pagsanjan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Rural Health Unit (RHU), Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), at Sangguniang Barangay ng Poblacion Dos.
Gumamit ang mga responder ng specialized ammonia gas detector at iba pang monitoring equipment upang masukat ang posibleng presensya ng ammonia sa loob at paligid ng pasilidad.
Ayon sa mga awtoridad, layunin ng operasyon na matiyak ang kalagayan ng dating ice plant, matukoy kung may natitirang hazardous gas, at maprotektahan ang mga residente, responder at iba pang maaaring maapektuhan.
Isinagawa ang monitoring alinsunod sa itinakdang safety protocols upang matiyak ang maagap at wastong pagtugon sakaling may matukoy na banta o pagtagas ng hazardous gas.
Matapos ang pagsusuri, napag-alamang wala nang natitirang bakas ng liquid ammonia sa pasilidad. Ayon sa lokal na pamahalaan, nagpapatunay ito na naging matagumpay ang isinagawang paglilinis, decontamination at iba pang kinakailangang hakbang pangkaligtasan.
Sinabi ng pamahalaang bayan na maaari nang makatiyak ang mga residente sa paligid ng dating ice plant na ligtas na ang kanilang komunidad matapos ang masusing pagsusuri at pagpapatupad ng mga safety measures.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan sa mga kinauukulang ahensya upang mapanatili ang kaligtasan, kalinisan at kapakanan ng mga residente.
Samantala, pinasalamatan ni Mayor Garcia ang mga tanggapan at responder na naging bahagi ng pagtugon sa insidente ng pagsingaw ng kemikal sa Barangay Poblacion Dos.
Kabilang sa kinilala ang Pagsanjan Municipal Fire Station, MDRRMO at RHU na agad rumesponde nang mangyari ang insidente upang matulungan at mailigtas ang mga residenteng naapektuhan.
Pinasalamatan din ang Pagsanjan Municipal Police Station, Philippine Coast Guard, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWD), MENRO at Sangguniang Barangay ng Poblacion Dos sa kanilang patuloy na koordinasyon at pakikipagtulungan sa paglutas ng insidente.
Ayon sa lokal na pamahalaan, naging mahalaga ang mabilis na pagkilos, koordinasyon at pagkakaisa ng iba't ibang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Binigyang-diin ni Mayor Garcia na nananatiling pangunahing tungkulin ng pamahalaang bayan ang pangangalaga sa kaligtasan at kapakanan ng bawat pamilya sa Pagsanjan.#
Comments
Post a Comment