Programang pangkomunidad ng CARD MRI, tampok sa exposure tour program sa Laguna

 Programang pangkomunidad ng CARD MRI, tampok sa exposure tour program sa Laguna


Binisita ng mga kalahok ng Panaghiusa ang CARD MRI Astro Laboratories, Inc. sa Brgy. Tranca, Bay, Laguna. Bilang manufacturing arm nito, itinutaguyod ng pasilidad ang layunin ng CARD MRI na wakasan ang kahirapan sa pamamagitan ng paglikha ng mga abot-kayang produkto para sa kalusugan, personal na pangangalaga, at tahanan. 

Idinaos ng CARD Mutually Reinforcing Institutions (CARD MRI) ang huling Panaghiusa: CARD MRI Exposure Tour Program for Media sa Laguna noong Agosto 26 hanggang 28, 2026. 
Pinangunahan ng CARD MRI Publishing House Inc. ang programa na naglalayong pagtibayin ang kaalaman ng mga media practitioner ukol sa mga serbisyong pangkomunidad ng CARD MRI, tulad ng pangangalagang pangkalusugan, pagpapaunlad ng negosyo, edukasyon, at pangkabuhayan. 
“Ang pagsugpo sa kahirapan ay hindi lamang nagtatapos sa pagbibigay ng microfinance. Kinakailangan nito ng pinagsama-samang programa na nakatuon sa pagpapaunlad ng komunidad na tumutugon sa mga pangunahing hamon tulad ng kalusugan, edukasyon, at suporta sa negosyo. Sa pagdala sa ating mga katuwang sa media sa exposure tour program na ito, nakita nila nang personal ang mga programa na tumutulong  sa misyon ng organisasyon na puksain ang kahirapan sa bansa,” pahayag ni Marilyn M. Manila, ang pangulo ng CARD MRI Publishing House. 
Sa nasabing tour, personal na binisita ng mga kalahok ang iba’t ibang institusyong naglilingkod sa mga miyembro ng CARD MRI. Kabilang sa mga ito ang CMDI na isang paaralan at training institute, Bay New Town na isang pasilidad sa pabahay, mga healthcare center ng CARD Care Network tulad ng BEST Health Clinics, BotiCARD, CARD Clinics and Allied Services, at CARD Astro Laboratories, Mga Likha ni Inay na isang sangay sa pagpapakilala ng produkto ng microentrepreneurs na tinutulungan ng CARD, CARD Indogrosir na isang sangay sa distribusyon ng grocery items, at CARD-BDSFI na isang foundation na nakatuon sa organikong pagtatanim at pagpapaunlad ng negosyo. 
Isa sa mga naging tampok sa exposure tour program ay ang Heritage and Lagos Tour, na pinangasiwaan ng CARD MRI Hijos Tours, ang community-based tour company ng CARD MRI. Sa pamamagitan ng tour na ito, naranasan ng mga kalahok ang lokal na kultura at kasaysayan sa pagbisita sa ilang lawa sa lungsod ng San Pablo, pati na rin sa makasaysayang City Hall at Cathedral of Saint Paul the First Hermit.
Bukod sa pagkilala sa mga operasyon ng CARD MRI, nakapanayam din ng mga kalahok si Rhodora Angeles, isang kliyente ng CARD SME Bank mula sa Brgy. Mabacan, Calauan, Laguna, na kilala sa paggawa ng homemade “Trio Juice.”
Naranasan mismo ng mga lumahok na mamamahayag ang aktuwal na proseso ng pagpapaunlad sa komunidad. Nagbibigay ito sa kanila ng pagkakataong maibahagi ang mga kuwentong nagmumulat sa publiko sa layuning wakasan ang kahirapan.
Dinaluhan ang tour na ito ng walong mamamahayag mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao na sina Sheila Mae Butlig ng Gold Star Daily News mula sa Lungsod ng Cagayan de Oro; Menzie Montes ng RMN INC at iFM CDO; Edalyn B. Acta ng Capiz Times Publishing mula sa Lungsod ng Roxas, Capiz; Maritess Fernandez ng Mindanao Examiner mula sa Lungsod ng Zamboanga; Dexter A. Perez ng MindaNet Balita mula sa Davao de Oro; Marlon Alexander S. Luistro ng Dyaryo Veritas mula sa Lungsod ng Batangas; Claire S. Cariño ng Manila Bulletin Publishing Corp. mula sa Maynila; at Sheena Ann Ancheta ng Pahayagan ng Kabitenyo mula sa Cavite.

Comments

Popular posts from this blog

Senator Bong Go adopted son ng Bayan ng Pila

KABAKA San Pablo City Officers bumisita kay Congressman Loreto “Amben” Amante

Laguna PDRRMO holds Incident Command System Position Course